‘Mahika’

June 28, 2021 Joey C. Papa 204 views

May mahika o magic nga ba sa eleksyon?

O may “unseen hand” sa eleksyon?

Unseen hand” o may gumagalaw na nakatagong puwersa sa mga magaganap o nagaganap sa isang eleksyon.

Tinawag na “Cory magic” ang pagkapanalo ni dating Pangulong Noynoy Aquino na pumanaw ilang araw lamang ang nakararaan.

Emosyonal ang pagyao at libing ni Tita Cory, naging pangulo ng bansa.

Bago siya magkasakit, naging aktibo siya sa mga kilos protesta laban kay dating Pangulong Gloria Arroyo.

Madalas siyang nagbibigay ng pahayag sa mga kamalian umano noon ni GMA. Ibig sabihin ay lagi siyang nakikita ng mga Pilipino. Naging simbolo siya ng pagtutol.

Pinili naman ni PNoy na maging pribado. Tahimik siya pagkaraang matapos ang termino bilang pangulo. Tahimik din naman ang kanyang libing. Walang emosyonal na mobilisasyon ng mga tagasuporta, at walang mahabang libing dulot na rin marahil ng pandemic.

Hindi nagbibigay si PNoy ng mga pahayag sa mga isyu ng bansa.

Nagsalita lamang siya nang ipinatawag sa isang senate hearing.

Pagkatapos noon ay bumalik muli siya sa pananahimik.

Ika nga’y natapos na ang pagiging isang lider niya ng bansa. Tapos na ang pagiging pangulo niya ng bansa, sa tingin niya marahil.

Kaiba naman si Pangulong Cory. Hindi siya nanahimik at alam yon ng mga Pilipino. Hinangaan siya at ipinakita ito sa mga libong mga taong sumama sa kanyang libing hanggang siya’y mahimlay sa puntod.

Malaking bagay ang pagiging aktibo pa rin sa pangunguna sa bayan lalo na kung maraming isyu na may kinalaman sa kagalingan at kabutihan ng mamamayang Pilipino at ng bansa sa kabuuan.

Ang pangalang Cory ay hindi pumanaw. Hindi yumao sa isip at damdamin ang pagiging lider ni Cory sa mga ipinakita niyang pakikisangkot sa mga usaping bayan.

Ganyan ang “mahika.” Hindi magic nang pandaraya sa eleksyon ang tinutukoy ko. Yon bang ngumiti lang at itaas ang dalawang daliri ay nagsisigawan na agad ang mga tao. Itoang masasabing may karisma o mahika sa pagkatao ni Tita Cory.

Marami pa rin ang naniniwala sa kanya kahit wala na siya sa Malakanyang.

Kailangan namang igalang ang naging pananahimik ni PNoy sa mga isyu. Unang una’y mahina na ang kanyang kalusugan at hindi na niya kakayaning makipagtagisan sa mga pagtatalo.

Ipinakita ito ng mga nakaraang mahigit na limang taon lalong-lalo na sa isyu ng West Phillipine Sea na ang administrasyon niya ang nagpanalo. Mahalaga sanang nakapagsalita siya tungkol sa isyung ito. Ngunit pinili niyang manahimik. ‘Yun ang style niya ‘ika nga.

Ang kasaysayan ang hahatol sa lahat ng mga naging at magiging lider ng ating bansa. Hindi bulag ang kasaysayan. (bangonkalikasan@yahoo.com)

AUTHOR PROFILE