Mahigit P300K shabu nasabat sa Sampaloc

January 25, 2022 Jonjon Reyes 105 views

ARESTADO ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Team ( SDET) ng Manila Police District (MPD) ang maglive-in na sinasabing tulak ng droga, kasama ang umano’y apat na parukyano sa Sampaloc, Manila, madaling araw nitong martes.

Kinilala ang mag live-in na sina Aries Pangilinan, 34, vendor at Precious Alfaro, 29 isang online seller at kapwa residente ng Felina St., Sampaloc.

Samantala, damay din sa operation ang umano’y mga parukyano na nakilalang sina Alfred Paculan, 52 ng Leo St., Sampaloc; Christian Santiago, 26 at Liza Tapales, 38 parehong taga-Arlegui St.; at Rosemarie Andicoy, 55, ng Oscarea St., Quiapo, Manila.

Batay sa ulat na isinumiti ni P/Cpl. Dan Lyndon Cacanindin kay P/Lt.Col. John Guiagui, Station Commander ng MPD Station 3, bandang 1:30 ng madaling araw, nang maaresto ang maglive-in at ang apat umanong parokyano sa A.H. Lacson Avenue malapit sa Laong Laan St., Brgy. 352 sa Sampaloc.

Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon ang “Team Swabe” ng SDET, na may nagaganap umanong bentahan ng droga sa lugar.

Nakarekober ng sampung plastic sachets na hinihinalang shabu ang grupo na may timbang na 55 gramo at may street value na P334,000.00.

Dahil dito, pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 Dangerous Drug Act of 2002) ang mga suspek. Nina Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE