
MAHIGIT 300 BARIL NI DU3O SINITA NI DE LIMA
Kayang armasan pinakamalaking private army:
TINULIGSA ni dating Sen. Leila de Lima si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pagmamay-ari umano nito ng mahigit 300 baril na ipinarehistro dalawang linggo bago natapos ang kanyang termino noong 2022.
Sinabi ni de Lima na sa dami ng baril ni Duterte ay kaya nitong armasan umano ang pinakamalaking private army sa bansa.
“Ilang baril ba ang kailangan ni Duterte para protektahan ang sarili niya? If he is thinking about letting his bodyguards use them to protect him, then the number of guns he has registered can arm the largest private army in the country,” sabi ni de Lima na nakulong noong termino ni Duterte.
Batay sa ulat ng Rappler, inaprubahan ang rehistro ng 358 baril ni Duterte ng Philippine National Police-Firearms and Explosives Office (FEO) noong Hunyo 2022 at mage-expire sa Marso 2032.
Sinabi ni de Lima na maaaring suriin ng PNP-FEO ang legalidad ng pagbibigay ng napakaraming baril sa dating Pangulo.
“Simple lang naman ang pagsuri sa legalidad ng ginawa ng PNP-FEO na pagbibigay ng mahigit 300 na permit kay Duterte bilang isang ‘gun collector.’ Kung walang secured gun vault si Duterte para sa 358 na baril, nararapat lang na bawiin ng PNP ang mga gun permit na ‘yan,” paliwanag ni de Lima.
Si de Lima ay kilala ring kritiko ng madugong war on drugs ng administrasyong Duterte.
Ang dating senador ay nagpahayag ng kahandaan na makipagtulungan sa imbestigasyong isinasagawa ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng libu-libong pinaslang sa kampanya ni Duterte laban sa ipinagbabawal na gamot.
“Huwag na nilang hintayin pa na gamitin ito ni Duterte sa paghahasik ng kung anumang kaguluhan,” sabi ni de Lima.
Nauna na ring sinabi ni de Lima na hindi totoo ang kampanya ni Duterte laban sa ipinagbabawal na gamot, batay na rin sa pahayag ng dating miyembro ng Davao Death Squad na si Arturo Lascañas sa panayam ng Vera Files.
“All this time, Duterte has taken the Filipino people for a ride, big-time! Ginisa ang bansa sa sarili nitong mantika ng nakaraang administrasyon,” saad pa ni de Lima.