Francisco Pinangunahan ni MPD Director P/BGen. Leo “Paco” Francisco ang pagboto sa isinagawang “Local Absentee Voting” (LAV) para sa National and Local Election (NLE) 2022 sa Multi-Purpose Hall, MPD Headquarters, U.N. Avenue, Ermita, Manila nitong Miyerkules Abril 27, 2022. Kuha ni Jon-Jon Reyes

Mahigit 114 pulis Maynila lumahok sa absentee voting

April 27, 2022 Jonjon Reyes 81 views

NASA 114 pulis Maynila ang lumahok na sa Local Absentee Voting (LAV) para sa National and Local Election (NLE) na pinatutupad ng Commission on Elections (Comelec)

Base sa ulat ni P/Maj. Philipp Ines, hepe ng MPD Public Information Office (MPD PIO), ginanap ang local absentee voting sa Multi-Purpose Hall ng MPD Headquarters, U.N. Ave. Ermita, Maynila.

Pinangunahan ito ni MPD-Director, P/Brig. Gen. Leo “Paco” Francisco na nagsimula bandang alas-9:00 ng umaga araw ng Miyerkules.

Ayon kay MPD PIO Chief PMaj. Ines, apat na tauhan ng MPD ang hindi nakaboto dahil ang kanilang pangalan ay wala sa voter’s list.

Ang mga pulis ay kabilang sa may 93,698 military, police, government, at media personnel, ang nag-apply sa LAV – subalit 84,357 botante lamang ang pinayagan para sa LAV.

Ibinasura naman ang aplikasyon ng may 9,341 indibiduwal dahil hindi sila rehistrado o deactivated mula sa voter’s list.

Ayon sa Comelec, ang LAV ay tatagal lamang ng tatlong araw o hanggang sa Abril 29, 2022. Nabatid na magiging mano-mano ang pagboto ng mga local absentee voters at ang maaari lamang silang bumoto para sa national positions, kabilang na rito ang presidente, bise presidente, senador, at party-list.

Samantala, kabilang sina Comelec Chairperson Saidamen Pangarungan at Commissioner Aimee Neri sa mga nag-avail ng LAV kung saan sila ay boboto sa main office sa naturang kagawaran sa Intramuros, Manila.

Ang mga LAV votes ay bibilangin ng alas-7:00 ng gabi sa Mayo 9 na gagawin ng Committee on Local Absentee Voting sa ikatlo at ikaapat na palapag ng Bureau of Treasury sa Palacio del Gobernador sa Intramuros Maynila at ito ay sasaksihan ng mga watchers ng mga kandidato.

AUTHOR PROFILE