Maharlika proposal ni Sen. Angara

December 16, 2022 Allan L. Encarnacion 131 views

Allan EncarnacionMAGANDA ang panukala ni Senador Sonny Angara kung sakaling siya ang gagawan ng Senate version ng Maharlika Investment Funds na nasa sentro ngayon ng kontrobersiya.

Sa halip na kumuha ng P275 billion sa mga pension funds, sa mga banking and financial institutions para sa MIF, para kay Angara, mas okey na pagkakitaan ang mga non-performing assets ng bansa.

Nang makausap natin si Sen. Angara, inihalimbawa niya ang New York property na kinaroroon ng Philippine consular office at ang Roponggi property natin sa Tokyo, Japan na naraoon naman ang Philippine embassy.

Sabi ni Angara, tayo lang dito sa Asya ay may 5th Avenue property sa New York na puwedeng hanapan ng ka-joint venture para pagtayuan ng malaking building. Kunin lang natin ang isang floor na magiging embahada at consular office ng Pilipinas para iyong ibang bahagi ng gusali ay paupahan o long term lease sa mga US companies.

Ganoon din ang sinasabi ni Sen. Sony sa Japan property natin na noong araw pa ay binalak nang ibenta ng mga nakaraang administrasyon pero hindi natuloy.

Marami pa tayong mga non-performing assets dito sa bansa mismo, mga prime lot property na nakatiwangwang lang.

Kung hindi man aabot ng P275 bllion ang malilikom sa mga suggestion na ito ni Angara, kahit paano ay magkakaroon na tayo ng seed money na mapagmumulan para sa ating investment plans.

Ang totoo, sound proposal ito ng mambabatas na dapat bigyang-pansin ng liderato ng Senado. Kung sakaling mapagtibay man ngayong linggo ang MIF sa kongreso, kailangan pa rin niyan na magkaroon ng Senate version bago matalakay sa bicameral conference committee.

Maganda naman talaga ang layunin ng MIF kung ating pakikinggan ang mga proponents nito. Kaya lamang nagkaroon ng malakas na protesta dahil binalak sa unang panukala na tapyasan ang pension funds mula sa GSIS at SSS.

Kung natuloy kasi ito, para kang naglagay ng gripo sa iyong tagiliran at iyong dugo na lalabas sa iyo ay ibibigay mo sa naghihingalong pasyente na hindi pa sigurado kung makaka-survive. Ang ending, todas ang dalawa!

Mahirap din kasing kukuha ka ng puhunan sa perang hawak na may pinaglalaanan nang iba. Halimbawa’y ang pera sa bulsang kanan mo ay pambiling bigas. Ililipat mo sa kaliwa para ipang-tong its o ipang-casino na hindi naman siguradong mananalo.

Ang anumang investment ay mayroon mga tinatawag na high risk. Yes, may mga kumikita pero mayroon ding mga investment ang nalulugi.

Kung doon tayo sa Angara proposal, walang tapon, win-win solution dahil pakikitain ang natutulog na property at gagawin mo siyang pera na hindi ka kukuha ng puhunan sa kahit anong institution or sa National Treasury.

Tiyak na makakakuha ng suporta sa maraming sector ang Angara proposal kung ganito lang ang magiging bersiyon ng panukala sa kongreso at senado.

allanpunglo@gmail.com