Default Thumbnail

Maharlika laban para sa kaunlaran

October 10, 2021 Edd Reyes 409 views

KASANAYAN, kabuhayan at kaunlaran.

Ito ang platapormang isusulong ng Maharlika Partylist nang pormal na magpakilala ang partido sa publiko sa isang pulong-balitaan Sabado ng hapon sa Golden Bay Restaurant sa Pasay City.

Sa kanyang pagsasalita, sinabi ng negosyanteng si Dr. Alvin “Vince” Sahagun, Humanitarian Awardee at first nominee ng naturang partylist, na kanilang isusulong ang pagpapasa ng batas para sa kapakanan ng mga katutubo, mga mahihirap, at mga napabilang sa mga marginalized sector kung sakali at papalaring makakuha ng puwesto sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Layunin aniya ng kanilang grupo na itaas ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng Maharlikang pag-iisip at pagkatao na magsusulong ng mga programang lilinang sa kasanayan, kabuhayan at kaunlaran ng lahing Pilipino.

Malaki ang kanilang paniniwala na ang isang bansa na nagpapahalaga sa galing at husay ng mga sinauna at makabagong Pilipino sa pamamagitan ng pangangalaga sa sariling kultura, pagbibigay ng disenteng kabuhayan at pagsulong sa kaunlaran ng bawa’t pamilya at pamayanan ang magiging daan ng pag-unlad ng buong bayan.

Layunin din ng grupo ang pagtatatag ng mga kooperatiba sa pamayanan kung saan ang bawa’t miyembro ay namumuhunan, natututo at kumikita upang mapabuti ang katayuan sa buhay.

Sinabi ni Sahagun na isusulong nila na mai-angat ang kalagayang panlipunan ng nakararaming mamamayang upang kahit man lamang kalahati ng populasyon ng bansa ay maging “middle class” o angat sa estado ng pamumuhay ng sa gayon ay hindi na maituturing na third world country ang bansa at maibabalik ang pagiging Maharlika ng mga Pilipino.

AUTHOR PROFILE