Keempee

‘Mahal Kita Beksman,’ perfect comeback vehicle para kay Keempee

November 11, 2022 Ian F. Fariñas 331 views

WALA pa ring kupas si Keempee de Leon sa pagku-comedy. Grabe ang tawanan ng audience sa husay niya sa pagganap ng isang beki sa katatapos na red carpet premiere night ng romance-comedy film na Mahal Kita Beksman kasama si Christian Bables.

Bale comeback movie ni Keempee ang Beksman na produced ng Viva Films at The IdeaFirst Company matapos ang isang dekada ng pagpapahinga sa paggawa ng pelikula.

Masasabing perfect comeback vehicle para sa aktor ang project dahil minsan pang nag-shine ang kahusayan niya sa big screen.

Ang huling pelikula na nilabasan ni Keempee ay ang Iskul Bukol 20 Years After: The Ungasis and Escaleras Adventure noong 2012.

Bida roon ang daddy niyang si Joey de Leon kasama ang magkapatid na Tito at Vic Sotto.

Parloristang transgender woman ang karakter ni Keempee sa Beksman na hindi matanggap ang pagpipilit ng anak niyang si Dali (Christian) na siya ay “straight.”

Naanakan ng karakter ni Keempee na si Papshiekels ang dating partner na si Mamshiekels (Katya Santos). Pero nu’ng mag-out siya bilang bading, lumaki si Dali na kasa-kasama pa nila sa bahay ang bading din na boyfriend ng ama (Mico Aytona).

Riot sa kwela ang bawat eksena nila ni Christian, na napakahusay din namang gumanap sa mga gay character.

Katunayan, naging Best Supporting Actor Award pa si Christian sa Gawad Urian para sa kanyang trans woman character na si Barbs sa 2016 Metro Manila Film Festival entry na Die Beautiful.

Pero isa sa touching scenes nilang dalawa ang pagbi-breakdown ni Dali kay Papshiekels dahil sa pagmamahal sa konteserang si Angel (Iana Bernardez).

Heartwarming at feel-good ang Beksman dahil ipinakita rito ng direktor/producer na si Perci Intalan ang unconditional na pagmamahal ng isang pamilya.

Ang lakas ding maka-throwback ng ginamit na theme song na Kapag Tumibok ang Puso ni Donna Cruz.

Sa isang interview, sinabi ni Keempee na masaya siya na Viva ang isa sa producers ng pelikula dahil dito talaga siya nag-start ng pag-aartista.

Aniya pa, “Masaya ako na nabigyan ulit ako ng break mag-portray ng gay role sa movie at ini-enjoy ko talaga ‘yung character na gay role, eh. Kasi mas light siya, nalalaro mo ‘yung characters.”

“Hindi katulad sa drama, siyempre more on emotions, so medyo nade-drain ako kaya nag-enjoy talaga ako dito. Hopefully, sana this would be the start and sana meron pang mga susunod.”

Hindi rin issue sa kanya ang pagganap bilang tatay ni Christian dahil sa totoong buhay, meron na siyang 25-year-old daughter.

“May daughter na po ako na 25 years old so I guess hindi na malayo ‘yun sa age ni Christian. ‘Yung anak ko nga, parang barkada ko na lang.

“Minsan, napagkakamalang girlfriend ko kapag lumalabas kami. Sasabihin nila, ‘Sir, ang bata ng girlfriend mo.’ ‘Hindi. Anak ko ‘yan’,” kwento pa niya.

“So, hindi na malayo kapag nagkakaroon ako ng mga anak na at the age of 20-plus up. Madali na ‘yung koneksiyon. At kami rin ni Christian, lagi kaming nag-uusap. Nagkukuwentuhan kami habang nag-aayos, walang patid ang connection namin,” dagdag ni Keempee.

Magsisimula nang mapapanood ang Mahal Kita Beksman sa mga sinehan sa November 16.

AUTHOR PROFILE