Default Thumbnail

Magulo pa rin ang polisiya

July 9, 2021 Paul M. Gutierrez 377 views

PaulMARAMI pa rin ang naguguluhan sa pagitan ng polisiyang inihahain ng Inter-Agency Task Force (IATF) at Department of Health (DOH) kung dapat bang ituring na alternatibo sa RT-PCR test ang pagiging fully vaccinated.

Paiba-iba kasi ang sinasabi na tila ba hindi nag-uusap ang mga ito sa mga patakaran pagdating sa kung anong polisiya ba ang dapat sundin ng taumbayan?

Kaya naman hindi maiiwasang mainis ang marami nating kababayan pagdating sa usaping ito. Tila kasi pinauubaya na lamang sa mga LGU kung ano ang kanilang mga magiging patakaran pagdating sa ‘intrazonal/inter-region travel’ ng mga tao.

Ayon naman kay Dr. Iggy Agbayani, pangulo ng ‘Concerned Doctors and Citizens of the Phils’ (CDC PH) sa Report to the Nation media forum ng National Press Club kahapon, iba-iba kasi ang mga kalagayan o risk na mayroon ang bawat rehiyon o probinsya. Kaya maganda aniya na magsimula muna ito sa mga LGU. Dagdag pa niya, nagkakaroon ng diskriminasyon sa mga mamamayan lalo na sa hanay ng mga hindi nababakuhanan o yaong walang intensiyon na magpabakuna.

Gayunpaman, gaya natin, nauunawaan din ni Dr. Agbayani kung ano ang inilalabas ng IATF dahil ito ang maaaring naibibigay sa kanila ng mga eksperto.

Naniniwala tayo na malaki ang trabahong ginagawa ng IATF at syempre ng DOH sa pagbabalanse sa pagitan ng interes ng ating ekonomiya at kalusugan ng mga mamamayan.

Hindi ito madaling trabaho at naiintindihan natin ito. Pero ang tanging hiling lang naman ng taumbayan ay maging malinaw ang patakaran na hindi sila nalilito. Higit pa rito, maaaring maging transparent pa ang mga ito sa pagbibigay ng mga patakaran kung bakit ito kailangan.

Alam natin na hindi maiiwasan ang mga kritisismo at laging may mga sinasabi ang publiko pagdating sa mga patakaran ng gobyerno.

Para bang wala nang ginawang tama ang gobyerno pagdating sa pandemya. Lalo itong nagagatungan o lalong nagbibigay ng dahilan para sa publiko na magsabi ng negatibo kung hindi nagiging malinaw ang mga patakaran na dapat nilang sundin.

Ang malinaw sa nakikita natin ay mayroon nang pagluluwag na ginagawa dulot na rin ng pagbabakuna sa mga mamayan kaya nagkakaroon ng opsiyon sa pagitan ng RT-PCR test at vaccination card. Kaya naman nagkakaroon ngayon ng kalituhan kung gaanong pagluluwag ang ating gagawin o susundin.

Sa ngayon alam natin marami nang aral ang dapat na natutunan na ng IATF at DOH pagdating sa pandemya. Inaasahan natin na magkaroon na nang mas malinaw na polisiya sa mga pagluluwag dahil mukhang dito na tayo papunta.

Habang inaabot natin ngayon ang herd immunity mas kinakailangan linawin ngayon kung anu-ano na lamang dapat na gawing requirements para sa mga mamamayan.

Sa dami kasi ng kailangan, hindi maiiwasan na nagmumukhang may “pinagkakakitaan” ang ilang opisyal ng pamahalaan.

Ano sa palagay ninyo, dear readers?

AUTHOR PROFILE