MAGSASAKA TINADTAD NG TAGA, DEDO
Nakialam sa away ng maglive-in partner
PATAY ang isang magsasaka matapos na tadtarin ng taga ng kaniyang kainuman nang tangkain nitong awatin ang suspek sa pakikipagtalo sa kaniyang live-in partner nitong Huwebes ng gabi sa Villaba, Leyte.
Nakilala ang biktima na si Rufino Mariquit, 57 anyos at residente ng Barangay Tabunoc sa Villaba.
Arestado naman ang suspek na nakilalang si Carlos Camugao, 60 anyos at kapitbahay ng biktima.
Batay sa ulat ng Philippine National Police, naganap ang insidente sa labas ng bahay ng suspek.
Nauna rito, nag-iinuman ang suspek at ang biktima sa labas ng bahay ni Camugao nang lumabas ang live-in partner ng huli na si Thelma Arnoco para awatin sila sa pag-inom.
Dahil dito, bigla na lamang nag-init ang ulo ng suspek at agad na kinuha nito ang kaniyang itak na kung tawagin ay sundang at tinangkang ihataw sa kaniyang live-in partner.
Mabilis namang nakatakbo ang babae. Sa puntong ito, agad na pinagsabihan ng biktima ang suspek at sinabing hinay-hinay lamang at huwang mainit ang ulo.
Sa halip na kumalma ay lalo pang nagalit ang suspek at walang sabi-sabing winasiwas ng sunud-sunod na taga ang biktima.
Dead on the spot ang biktima na hinila pa ng suspek para itapon sa gilid ng ilog kung saan ito natagpuan ng mga awtoridad.
Naaresto naman sa follow-up operation ang suspek sa loob ng kaniyang bahay.
Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.