Magparehistro at bumoto!

August 15, 2021 Vic Reyes 214 views

Vic ReyesSA mga umpukan, hindi nawawala ang mga banat sa mga nakaupo sa gobyerno.

May mga bumabanat sa administrasyon at meron ding mga pumupuna sa mga taga-oposisyon.

Ang problema, marami pala sa mga nagbibida-bidahan ay hindi mga botante.

Dito ka mayayamot sa iba nating kababayan.

Magagaling bumatikos sa mga sinasabi nilang mga magnanakaw at inutil sa pamahalaan, ayaw namang magparehistrong botante para sana makaboto pagdating ng eleksyon.

Huwag natin sayangin ang ibinibigay sa ating karapatan ng ating Saligang Batas para pumili ng ating mga lider.

Tandaan natin na sa pamamagitan lang ng balota natin ito magagawa.

Tuwing ikatlong taon ay nagkakaroon tayo ng eleksyon sa bansa para tanggalin sa puwesto ang mga walang silbing halal ng bayan.

Ngayon ay mayroon na lang tayong mahigit isang buwan para magparehistro bilang botante.

Ayon sa Commission on Elections (Comelec), ang huling araw ng voter registration ay September 30 na.

Magparehistro na para matanggal na natin sa puwesto ang mga walang kwentang “lingkod-bayan,” na walang alam kundi pahirapan ang mamamayan!

Kilos na!

***

Huwag ibabalik ang face-to-face classes hanggat walang natutuklasang gamot laban sa COVID-l9.

Delikado ito dahil marami ng batang tinatamaan ng nakakamatay na virus.

Ang edukasyon ay makapaghihintay kaya hindi dapat isugal ang buhay ng ating mga mag-aaral.

Huwag natin kalimutan na kahit ang mga bakunado ay nahahawa pa rin ng COVID-l9.

Ang dapat gawin ay i-improve muna ang blended learning system at gawan ng paraan para gumanda ang internet service sa bansa.

Pukpukin natin ang mga telco para ayusin ang kanilang mga serbisyo.

Kung maaari ay babaan pa ang presyo ng mga gadget para lahat ng Filipino ay magkaroon nito na kailangang-kailangan ngayong pandemya.

Sa tingin natin, kayang-kaya nating mga Pinoy ang mag-adjust habang nandiyan ang pandemya.

Ang kailangan lang natin ay “unity and cooperation” dahil kung wala nito wala tayong patutunguhan.

Dapat mawala na rin ang korapsyon sa bansa para lahat ng ayuda ay mapunta sa mga nangangailangan.

Ikulong ang lahat ng mga magnanakaw sa gobyerno.

***

Sana naman huwag ng guluhin ng mga kakandidato sa darating na 2022 elections ang mga taga-Bureau of Customs (Boc).

Dati kasi, sa aduana umaasa ang mga kandidato para sa kanilang mga campaign fund.

Noon kapag malapit na ang eleksyon ay sumasakit na ang ulo ng ilang opisyal ng customs, lalo na ang mga opisyal na nakapasok sa BoC sa tulong ng mga politiko.

Dahil may utang na loob, napipilitan ang isang taga-BoC na mag-produce ng campaign fund ng kanyang backer.

Kaya migrane ang inaabot dahil hindi malaman kung saan kukuha ng pera.

Pero ngayon, maraming naniniwala na walang kandidato na maglalakas loob na humingi ng campaign fund sa aduana.

Wala nga kaya, BoC Chief Jagger Guerrero?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0969) 037 7083/email:tingnannatin08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE