Roque Ex-presidential spokesman Harry Roque

‘MAGPAKALALAKI’

September 13, 2024 People's Tonight 94 views

Hamon ni Barbers kay Roque: Harapin quad comm, tuparin pangakong pagsusumite ng mga dokumento

KINONDENA ng chairman ng quad committee ng Kamara de Representantes si dating presidential spokesman Harry Roque na hindi tumupad sa kanyang pangako na isumite ang mga dokumento kaugnay ng kanyang yaman at sa social media sumasagot sa halip na dumalo sa pagdinig.

Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, ang overall chairman ng quad comm at chairman ng House committee on dangerous drugs, si Roque ay na-cite in contempt dahil hindi nito isinumite ang kanyang mga Statements of Assets and Liabilities and Net Worth (SALNs), dokumento kaugnay ng kompanyang Biancham na pagmamay-ari ng kanyang pamilya at subsidiary ng kompanyang PH2, at ang deed of sale ng 1.8 hektaryang lupa sa Parañaque na sinasabi nitong pinanggalingan ng kanyang dagdag na yaman.

Mayroong mga duda na si Roque ay konektado sa iligal na operasyon ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO) at dito nanggaling ang malaking dagdag sa kanyang yaman.

Sa pagdinig ng quad comm noong Agosto 22, nangako si Roque na isusumite ang mga dokumento na hinihingi ng komite na magpapatunay na lehitimo umano ang pinanggalingan ng kanyang yaman.

Sa kaparehong pagdinig ay na-cite in contempt si Roque dahil sa pagsisinungaling nang sabihin nitong hindi ito makadadalo sa pagdinig ng quad comm noong Agosto 16 dahil mayroon itong pupuntahang pagdinig ng korte. Pero ayon sa korte, noong Agosto 15 ang pinuntahang pagdinig ni Roque.

Si Roque ay ikinulong ng 24 na oras sa detention center ng Kamara bilang parusa. Matapos ito ay hindi na muling dumalo si Roque sa pagdinig.

Noong Huwebes ay muling na-cite in contempt si Roque dahil sa hindi pagsusumite ng mga dokumentong ipinangako nitong ibibigay.

“Na-contempt ng ikalawang beses si G. Harry Roque for non-compliance sa pangako niya na isa-submit ang mga nasabing dokumento. Pero umatras siya sa pangako niya. Ito ang dahilan ng kanyang second contempt. Hindi dahil sa ayaw ng quad comm ang sinasabi niya. Hindi nga siya uma-attend ng hearings e, paanong aayawan ng quad comm ang sinasabi niya,” ani Barbers.

“Ang mahirap kay G. Harry Roque, ang dami niyang sinasabi sa labas ng quad comm. Dito ka (sa quad comm) magsalita at harapan i-justify ‘yung refusal mo to submit documents. ‘Wag sa social media. Dito tayo mag-debate. Also, please be man enough and stand by what you promised to deliver to the panel,” dagdag pa nito.

Sinabi ni Barbers na ang executive assistant ni Roque na si AR dela Serna ay umamin na mayroon silang joint account ng dating presidential spokesman.

Si Dela Serna ay umamin din na siya ay nagsisilbing “all around alalay” ni Roque at nakasama niya ito sa mga biyahe hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa.

Sa kanyang ikalawang contempt, si Roque ay ikukulong hanggang sa maisumite nito ang mga hinihinging dokumento o hanggang sa matapos ng quad committee ang isinasagawang imbestigasyon.

Ayon kay Batangas Rep. Gerville Luistro, kapansin-pansin ang paglobo ng asset ni Roque na mula P125,000 bago ang 2016 ay naging P125 milyon noong 2018.

“If he (Roque) will not be able to prove the legal and valid source of this sudden increase of assets of his family-owned Biancham, then there is reasonable ground to believe that indeed he is connected with POGO operations, and this money possibly came from POGO operations,” ani Luistro.

Si Roque ay naiugnay sa operasyon ng POGO matapos nitong samahan si Cassandra Li Ong, isang opisyal ng Whirlwind Corp., sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) upang tanungin ang problema ng Lucky South 99, isang POGO hub, na ni-raid kamakailan ng mga otoridad dahil sa iligal na operasyon nito.

Sa kanyang social media post, tinawag ni Roque na kangaroo court ang quad comm at pagsasayang lamang umano ito ng pondo.

Binuo ng Kamara ang quad comm upang imbestigahan ang kaugnayan ng iligal na POGO sa bentahan ng iligal na droga at extrajudicial killings sa pagpapatupad ng Duterte war on drugs.

Isang opisyal ng pulisya ang nagsabi na ang POGO ang isa sa pinanggagalingan ng reward money na ibinibigay sa mga pulis at vigilante na pumapatay ng mga drug suspek.

AUTHOR PROFILE