Magnanakaw walang nakitang datung, LPG tank pinatulan
HULI sa aktong tinatangay ng 42-anyos na kawatan ang tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) sa loob ng sarado ng tindahan nang bumalik ang may-ari Martes ng gabi sa Malabon City.
Pasan-pasan pa ni Bernard Ibaldolaza, residente ng Phase II, Area 3, Barangay Longos, ang tangke ng LPG na nagkakahalaga ng P4,200 habang papalabas na ng tindahan nang masalubong niya ang may-ari na si Enrique Trinidad, Jr., 32, at helper na si Rodson Neri, 27, na nagresulta sa kanyang pagkakadakip, sa tulong ng nagpapatrulyang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station-5.
Sa tinanggap na ulat ni Malabon police chief P/Col. Jonathan Tangonan kina P/SSgt. Bengie Nalogoc at P/Cpl. Rocky Pagindas, puwersahang pumasok sa loob ng tindahang pag-aari ni Trinidad si Ibaldolaza sa Block 3, Lot 9, Area 3, Phase III, Barangay Longos, pamamagitan ng pagsira sa kandado ng bakal na pintuan dakong alas-10-40 ng gabi nang matiyak na wala ng tao sa loob ng establisimiento.
Naghalughog ang biktima sa loob ng tindahan subalit nang walang makitang salapi, tinangay na lamang niya ang tangke ng LPG subalit nagkataong bumalik ang may-ari, kasama ang kanyang helper, at nasalubong ang kawatan na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.
Dinala ng mga pulis sa tanggapan ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) sa Malabon Police Headquarters upang isailalim sa pagsisiyasat ang suspek bago iprinisinta sa piskalya para sa inquest proceedings kaugnay sa isasampang kasong pagnanakaw laban sa kanya.