Default Thumbnail

Magkapatid timbog sa pagbebenta ng droga

April 20, 2023 Edd Reyes 232 views

ARESTADO ang magkapatid na luminya umano sa pagbebenta ng shabu matapos kumagat sa ikinasang pain ng pulisya Huwebes ng madaling araw sa Caloocan City.

Kapuwa nasa listahan bilang mga high-value individuals (HIV) drug personalities sina Ronald Alinapon, 45, at nakababatang kapatid na si Rey Manuel, 40, parehong naninirahan sa kanto ng Domato Avenue at Kjng David St., Phase 12, Brgy. 188, kaya’t nagplano ang pulisya na isagawa ang buy-bust operation matapos ang mahigit isang linggong pagmamatyag sa kanilang isinasagawang pagbebenta ng shabui sa malaking bahagi ng North Caloocan.

Sinabi ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio Penones, Jr. na dakong ala-1:40 ng madaling araw nang dakpin ng mga tauhan ni P/Maj. Dennis Oduthan, assistant chief ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng NPD ang dalawa sa may NHC-LD Road, Brgy. 186 matapos tanggapin ang P7,500.00 na markadong salapi kapalit ng medium size na plastic sachet na naglalaman ng shabu sa pulis na nagpanggap na buyer.

Bukod sa ibinenta nilang shabu sa pulis na nagpanggap na buyer, nakuha rin sa magkapatid ang kabuuang 60 gramo ng shabu na nakalagay sa selyado at may kalakihang plastic bag na may katumbas na halagang humigit-kumulang sa P408,000.00, pati na ang markadong salapi na kinabibilangan ng tunay na P500 at pitong piraso ng P1,000 boodle money.

Sinabi ni Maj. Odtuhan na dating nagtatrabaho bilang vendor ang nakatatandang Alinapon habang tricycle driver naman ang nakababata niyang kapatid bago nila ipinasiyang luminya sa pagbebenta ng droga sa pag-aakalang gaganda ang kanilang buhay sa ilegal na paraan.

Inihahanda na ng mga tauhan ng DDEU ang mga dokumento para sa pagpiprisinta sa magkapatid sa Caloocan City Prosecutor’s Office upang isailalim sa inquest proceedings kaugnay sa kaso pagbebenta at pag-iingat ng ilegal na droga sa ilalim ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

AUTHOR PROFILE