Default Thumbnail

Magkapatid na snatcher arestado sa Maynila

November 26, 2021 Francis Naguit 306 views

UMAATIKABONG habulan mula sa lungsod ng Caloocan na umabot hanggang sa R. Papa sa Tondo bago nakorner ang dalawang hinihinalang snatcher, makaraang asistihan ng Manila Police District (MPD) ang isang miyembro ng Quezon City Police Station 10 na humabol sa magka-angkas sa motorsiklo.

Bago itinurn over sa NPD-Caloocan Police District, kapwa pina medical ang dalawang suspek na sina Aaron at Arnold Padesterio ng Bgy. 156 Bagong Barrio, Caloocan, kapwa nasa hustong gulang.

Batay sa ulat ni P/ Lt.Col.Harry Ruiz Lorenzo lll, Station Commander, bandang 4:20 ng hapon nitong Huwebes nang maganap ang insidente.

Ayon sa salaysay ng biktimang si Allet Dolfo, 35, isang merchandizer at residente ng Bgy. 28 sa Caloocan City, hinablot ng magkapatid na suspek ang mobile phone sa 5th Avenue sa Caloocan habang lulan ng motorsiklo.

Hindi naman nagpatinag si Dolfo nang makita nito ang paparating na QC pulis. Agad itong humingi ng tulong.

Mabilis namang hinabol ng rumespondeng pulis na si Patrolman EJ Encarnacion na nakatalaga sa Kamuning Police Station 10 ng QCPD ang mga suspek.

Nakarating ang habulan sa tulay ng Estero De Mayo sa Pajo sa Rizal Avenue sakop ng Tondo.

Dito na pinaputukan ang dalawa, pero nagpatuloy pa ring umeskapo hanggang sa mabuwal sila malapit sa R. Papa St. sa Tondo.

Dito na rumesponde ang mga tauhan ng Special Weapon and Tactics ng MPD at ng mga tauhan ni Lorenzo na naka assign sa Hermosa PCP.

Nasabat ang mga suspek at bago sila itinurn over ay isinailalim sa medical checkup sa Jose Reyes Memorial Medical Center. Nina FRANCIS NAGUIT & JON-JON REYES

AUTHOR PROFILE