
Magkaparesyo na ang kamatis at baboy
NAKAKAGULAT ang bentahan ng kamatis sa talipapa.
Magkapresyo na ang isang kilo ng kamatis at ang isang kilo ng baboy dahil pareho na silang P360.
Parang kailan lang, ang gastos ko sa kinamatisang liyempo ay nasa P400–isang kilong baboy para sa P280 at P30 para sa kalahating kilo ng kamatis.
Dahil maarte ako magluto, nilalagyan ko pa yan ng dalawang piraso ng sibuyas na biniyak lang sa apat bawat isa at isang stalk ng celery plus tatlong piraso ng siling berde. Kung minsan, nilalagyan ko pa ng labanos at petsay kaya talagang aabutin ng P400.
Ngayon, para makapagluto ako ulit nito, kailangan ko na ng halos P1,000. Ano ba ang nangyayari sa presyo ng ating mga pagkain?
Noong unang maupo si Agriculture Secretary Kiko Laurel, malaki ang pag-asa natin sa kanya dahil sa magandang plano niya. Naisulat pa natin siya dito at sobrang welcome development ang pagkakahirang sa kanya sa DA.
Kasama na sa plano niya ang pagpapaba sa presyo ng bigas na ngayon ay nasa P60 hanggang P65 kada kilo na para maayos-ayos naman ang iyong kanin.
Kung gusto mo ng durog at amoy luma, mayroon daw P48 pero madalang pa sa patak ng ulan bago mo mahanap. At paano mo naman makakain ang ganitong klase ng poor quality ng bigas?
Ang patuloy na pagtaas ng presyo ng ating mga pagkain ay nagpapakitang puro plano lang ang nangyari at walang itong katotohanan sa totoong buhay.
Ito ang matagal ko nang sinasabi, kapag hindi tayo nagpokus sa pagpo-produce ng ating mga pagkain, palagi tayong pahihirapan ng presyo ng mga ito.
Sa mahal ng presyo ng ating mga gulay, isda at baboy, para na ring nag-iikot sa department store ang ating mga kababayan sa tuwing sila’y namamalengke.
Iyong nakasabay ko nga minsan sa palengke, napamura sa presyo ng apat na pirasong sitaw ay nagkakahalaga na pala ng P30. Noong araw, bungkos ko lang kung bilhin ito sa halagang P20.
Kaya hindi tayo nagtataka sa resulta ng pinakahuling survey na umaabot na sa 63% ang nagsasabi na sila ay mahirap. Sino naman ang hindi maghihirap sa P25.00 kada isang pirasong kamatis? Idagdag mo pa ang dumanas ng matinding kagutuman na mas masahol pa umano sa pandemic days sabi ng mga surveys.
Gusto nating makita ang komprehensibong plano ni Secretary Laurel para lutasin ang humahataw sa taas ng presyo ng ating mga bilhin sa palengke.
Sec, pasiklaban mo na naman kami.