Magkakagulo pag natalo si Leni?
USAP-USAPAN ngayon at kumalat pa sa social media na kapag natalo daw si Vice-President Leni Robredo ngayon halalan sa pagkapangulo ay magkakagulo raw ang bansa.
Agad namang dumistansya ang kampo ni Leni sa nasabing balita at itinanggi na sa kanila nanggaling ang naturang kwento at maging ang ilang media ay sinabing fake news ang kumakalat na isyu.
Pero ang Philippine National Police (PNP) ay siniseryoso daw ang nasabing report kaya’t pinaghahanda nito ang kanilang mga tauhan sakaling may mangyaring kaguluhan pagkatapos na pagkatapos ng halalan.
Ayon kay PNP Operation Chief Maj. Gen. Val De Leon “SOP naman po talaga ng PNP na ihanda ang pwersa nito tuwing pagkatapos ng halalan para kung may kaguluhan saan mang dako ng bansa ay agad kaming makaresponde”.
Ayaw naman tukuyin ni De Leon kung ang nasabing kaguluhan ay tungkol sa kumalat na balita na magkakagulo kapag natalo si Leni.
Pero tingin ng ilang political experts sa bansa, bakit magkakagulo kung matatalo si Leni gayong hindi naman siya ang “frontrunner” o nangunguna ngayon sa mga kilala o malalaking survey company o group? Malayong pumapangalawa lamang ang VP kay dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga lumabas na survey. Mahigit 30 percent ang lamang ni BBM kay Leni sa mga nasabing survey.
Base kasi sa karanasan natin sa ating bansa, kung sino ang nangunguna sa mga survey ilang linggo o araw na lamang bago ang halalan ay siyang nagwawagi. Pero ayaw tanggapin ng mga pulitiko o mga kandidato na tumatakbo ang resulta ng mga survey na ito lalo na kung sila ay hindi nangunguna o humahabol, o kulelat sa nasabing mga surveys.
Dagdag pa ng mga kandidato na mababa ang bilang sa mga survey, namamanipula raw ang mga survey na ito. Namamanipula ang survey kung hindi kilala ang nagsasagawa nito o hindi naman talaga linya ng naturang grupo ang magpa-survey.
Ayon pa rin kasi sa ilang mga political analysts ito raw ang kauna-unahan sa kasaysayan ng bansa sa larangan ng election surveys na napakalaking boto ang nakuha ng “frontrunner” o ni BBM.
Sa mga tinanong o sumali kasi sa naturang mga survey, higit limampung porsyentro sa kanila ang pinili si BBM sa pagkapangulo kaysa kay VP Robredo na malayong pumapangalawa lang, pangatlo si Manila Mayor Isko Moreno na sinundan ni Senador Manny Pacquiao at Sen. Ping Lacson at ang iba pang kumakandidato sa pagkapangulo.
First time daw in history na higit limampung porsyento sa mga respondents o sinurvey ang pinili ang isang kandidato para sa pagkapangulo ayon kay Pulse Asia Research Director Ana Tabunda.
Sa Pulse Asia survey kasi umabot sa 56 percent ang nakuhang boto ni BBM na kung iko-compute daw ay katumbas 36.5 million votes mula sa 65 million registered voters.
Pero aminado naman ang mga eksperto na hindi lahat ng resigtered voters ay bumuboto o nakakaboto sa araw ng halalan kaya mas mababa ang bilang na ito, depende sa voter turn out o yung mga nagtungo sa presinto para bumoto.
“Well, ngayon lang kami nakakita ng ganyan kalaking lamang sa buong experience namin. Kauna-unahang pagkakataon ito na mayroong nag-majority voter preference na presidential candidate” ani Tabunda.
Kaya kung may mga suporters man na magwawala o magagalit immediately after election, hindi yung sa mga kandidato na milyon-milyong boto ang kailangang habulin o kailangan para manalo ilang araw bago ang eleksyon.