Default Thumbnail

Magkabati na kaya nang tuluyan sina JV at Jinggoy?

September 30, 2021 Marlon Purification 458 views

Marlon PurificationNAGDEKLARA na rin ng kanyang planong pagsabak sa 2022 senatorial race si ex-Senator Jinggoy Estrada.

Ito’y ilang araw matapos magpahayag ng kanyang planong pagbabalik Senado ang half-brother na si dating Senador JV Ejercito-Estrada.

Alam ng lahat na matagal nang hindi magkasundo sina JV at Jinggoy.

Ito rin ang sinasabing isa sa dahilan kung bakit parehong hindi pinalad na manalo ang magkapatid na Estrada noong 2019 mid-term elections.

Si JV ay nakakuha ng mahigit 14 million votes, samantalang si Jinggoy ay nakakuha naman ng mahigit 11 million votes.

Sa kanyang announcement via zoom nitong Miyerkules ng gabi, sinabi ni Jinggoy na ang plano niyang pagtakbo ngayong darating na halalan ay sa ilalim pa rin ng bandila ng Puwersa ng Masang Pilipino (PMP). Nakipag-alyansa na rin aniya sila sa regional party ni Davao City Mayor Sara Duterte na Hugpong ng Pagbabago.

Suportado ang pagtakbo ni Jinggoy ng kanyang mga kapatid na kasama ring naka-monitor sa Zoom conference nito, habang ang kapatid na babae na si Jackie Etrada ay personal mismong sinaksihan ang announcement ng dating Senate Pro-Tempore, kasama ang misis na Precy at kanilang mga anak.

Tinanong natin si Jinggoy kung sarado na ba ang pintuan ng rekonsilasyon para magbati sila ni JV, ngunit kaagad itong sumagot na: “Hindi. Bakit ko naman isasara, ako ang panganay siyempre lahat iyan dapat arugain.”

Welcome rin daw si JV na gamitin bilang partido ang PMP na itinayo ng kanilang ama si dating President at Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada. Si JV ay miyembro ng Nationalist People’s Coalition ni Senate President Tito Sotto na plano namang tumakbo sa pagka-Bise Presidente ng bansa.

“Noong araw, sabi ng tatay ko ikaw ang mas matanda ikaw ang makakaintindi. Dapat kausapin ko ang mga kapatid ko na di nakakasundo. Si JV lang naman ang ‘di ko nakakasundo so i reach out to him. Nag-usap kami. Nagkasundo kami pero siguro yung mga taong nasa likod namin siiguro gusto kami pag-awayin pero ako bilang nakakatandang kapatid, yung tatay ko is not getting any younger anymore gusto ko magkasundo-sundo (kami),” sabi pa ni Jinggoy.

Sa pamamagitan ng isang kaibigan, personal na nagkausap kamakailan sina JV at Jinggoy. Ngunit pareho silang nagnanais tumakbo sa pagkasenador sa susunod na taon.

Magkagayunman, sinabi ni Jinggoy na hiling pa rin niyang manalo silang magkapatid. Hindi rin aniya siya mangingiming magsama sila sa isang entablado ngayong panahon ng kampanya dahil nagawa na nila ito noong nagdaang halalan.

Anuman ang naging pagkakamali nila noong nagdaang halalan ay hindi na aniya mauulit pa ngayon para makabalik uli ang mga Estrada o Ejercito sa pulitika – mapa nasyunal o lokal na posisyon man.

Sinabi ni Jinggoy na hindi na dapat pang magkaroon ng siraan sa kanilang magkapatid at magtulungan na lang dahil kapwa sila may determinasyon na tumulong sa mga kababayang mahihirap.