Default Thumbnail

Magandang simula laban sa droga

February 3, 2023 Paul M. Gutierrez 351 views

PaulIPINAGMAMALAKI ng Philippine National Police (PNP) ang matagumpay na operasyon nito laban sa ilegal na droga. Nitong Enero lamang nakumpiska umano sa anti-narcotics operations ang mahigit P460 milyong halaga ng ilegal na droga.

Ayon sa PNP, ‘significant progress’ umano ito na 4,632 operations at 6,248 arrests ngayon lamang pagpasok ng taon.

Ipinapakita umano nito ang mahusay at epektibong intelligence sa pagpigil sa supply ng droga. Binibigyang diin din umano nito ang hindi marahas na pag-aresto sa mga suspek habang pinapangalagaan ang seguridad ng mga tropa gamit ang tamang kagamitan at pagsasanay.

Ibig sabihin ni PNP Chief General Azurin Jr. ay ito na ang bagong mukha ng kampanya laban sa ilegal na droga.

Syempre, maituturing naman talaga na tagumpay at masasabi talaga nating “significant progress” ang nagawa ng PNP ngayong Enero pa lamang sa pagsugpo ng ilegal na droga.

Kung ito man ang bagong mukha ng kampanya laban sa ilegal na droga ay kasama tayo sa pagsuporta na magtagumpay ito sa malaking problema na ito ng bansa. Talagang ngayon ay naririyan pa rin ang sindikato ng droga at makikita yan mismo sa naabot ngayon ng PNP.

Ibig sabihin lamang nito na buhay pa rin at dumadaloy ang droga sa Pilipinas. Kapag mayroong droga sa merkado ay naririyan pa rin nag-ooperate ang mga sindikato ng droga sa bansa.

Wala naman talagang gustong maging marahas ang mga operasyon laban sa droga hangga’t maaari. Hindi talaga magandang nakikita na may mga bangkay pagkatapos ng drug operations.

Sa ganang atin ay hindi ang maamong mukha ang kailangan ng PNP sa pagsugpo sa droga. Mas lalo lamang nagkakaroon ng lakas ng loob ang mga sangkot dito dahil para sa kanila tila nagiging malambot ang awtoridad dito.

Ibang-iba siyempre noong nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Makikita natin kung paano nagulantang ang buong bansa at mga sangkot sa droga sa naging aksyon ng pamahalaan.

Matapang na pinangalanan ni dating Pangulong Duterte maging ang mga matataas na opisyal ng pulis at military maging mga nakaupong politiko. Dahil ipinakita ng administrasyon na prayoridad nito at seryoso ito sa pagsugpo ng droga.

Bagamat napuno ng kontrobersya ang war on drugs ng administrasyong Duterte, masasabi nating naging epektibo ito sa paglaban sa droga kung saan naroon na kusang sumuko ang mga sangkot dito sa takot na maabutan ng bangis ng kampanya laban sa droga. Natahimik at nalinis ang maraming komunidad sa bansa.

At ito muli ang nais pakialaman ng International Criminal Court sa bansa na imbestigahan muli ang war on drugs ng administrasyong Duterte. Layunin nito na guluhin muli ang politika ng Pilipinas samantalang napakaraming bansa ang may mas matitinding paglabag sa karapatang pantao. Yung makakapangyarihan na bansa na hindi nila mapakialaman at Pilipinas ang kanilang napagbabalingan.

Ngayon, hinihiling pa rin natin na sana nga ay magtuluy-tuloy ang tagumpay na ito ng PNP laban sa droga. At sana ay may mahuli silang malaking isda o sindikato. Sa ngayon, kapuri-puri pa rin ang achievement na ito ng PNP sa pagpasok ng taon.

Subalit alam nating lahat na hindi madaling problema ang droga. Maging ang anim na taon ni dating Pangulong Duterte na seryoso sa pagsugpo nito ay hindi lubusang nagtagumpay dahil sa lalim ng problemang ito na maging sa gobyerno ay may sangkot sa ilegal na droga.

Gayunpaman, pagbati pa rin sa PNP sa matagumpay na resulta ng kanilang paglaban sa droga. Sana ay magtuluy-tuloy ito. Pero alam nating lahat na malayo pa at matagal pa ang labang ito.

AUTHOR PROFILE