Default Thumbnail

Magandang programang Tupad ng Dole at AICS ng DSWD may dumudugas?

July 12, 2023 Allan L. Encarnacion 482 views

Allan EncarnacionIYONG sinasabi ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na talamak na katiwalian pero walang mambabatas na kumikibo ay resulta na rin yan ng kulturang ipinamamana ng ibang lider sa baba.

Ang ibang lokal na lider ay likas talaga ang pagiging masiba.

Mayroon din isang kongresista ang nagtuturo pa umano sa mga barangay officials kung paano titirahin ang pondo ng bayan.

Nagtaka ang ibang barangay official nang ipatawag sila ng isang kongresista. Natuwa sila dahil magbibigay daw ng Tupad at AICS. Ang Tupad ay cash for work na programa ng Department of Labor and Employment sa mga kababayan nating walang pinagkakakitaan samantalang ang Aics ay tulong ng DSWD sa mga poorest of the poor or Assistance to the Individual in Crisis Situation.

Bibigyan ng P7,500 ang isang papasok sa Tupad matapos ang sampung araw na paglilinis sa kalsada or mga kanal.

Ayon naman sa DSWD website: The Assistance to Individuals in Crisis Situation is a social safety net or a stop-gap mechanism to support the recovery of individuals and families from unexpected crisis such as illness or death of a family member, and other crisis situations.

Magaganda ang programang ito ng pamahalaan kaya lang talagang binababoy lang din ng ibang lider. Iyong nabibigyan ng Tupad, P1,000 hanggang P2,000 ang binibigay ng mga pulitiko pero ang kondisyon ay magsusumite sila ng biodata at pipirma ng 10-day attendance.

Iyong matitirang P5,500, tinitira na ng ibang pulitiko. Isipin nyo kung magkano ang naibubulsa ng tiwaling pulitiko kapag nabigyan sila ng pondo ng DOLE para sa isang libong community workers.

Ang AICS naman, ang pinakamababa diyan ay P5,000 at ang pinakamataas ay P10,000.

Iyong kongresistang binabanggit natin, pinapayuhan umano ang mga barangay officials na 30% lang ng AICs at Tupad ang ibigay sa mga beneficiaries para sa kanila na umano ang 70%. Tama ba iyon, DSWD Secretary Rex Gatchalian at Labor Secretary Ben Laguesma?

Ganitong mga kongresista ang dapat nakakasuhan ng plunder. Isipin nyo, para sa mga tao na, pinadudugas pa! Paano pa kaya ang ginawa niya sa sarili niyang Aics at Tupad? Kaya hindi natin masisi ang pagkadismaya ni Mayor Magalong.

Dapat magkaroon ng sistemang hindi na dadaan sa pulitiko ang Aics at Tupad para direktang pakinabangan ng ating mga kababayan.

Nanawagan din tayo kay Secretary Gachalian na tingnan mabuti ang allotment ng AICS para matiyak na hindi sa bulsa ng mga masisibang pulitiko bumabagsak ang daan-daang milyong pisong pondo ng pamahalaan.

[email protected]