Mag library ‘wag umasa nang todo sa Internet, payo ni Lacuna sa mga Manilenyo
HINIMOK ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ang publiko na bisitahin ang mga public library ng Maynila at huwag umasa nang todo sa Internet.
Ginawa ng alkalde ang panawagan makaraan ang regular flag ceremony na ginaganap tuwing Lunes sa Kartilya ng Katipunan.
Binati rin ng alkalde ang Manila City Library na pinamumunuan ni Director Mylene Villanueva sa ika-77-taong anibersaryo nito ngayong Oktubre.
“Ngayon po kasi digital age na at karamihan po ng pagre-research ginagawa na lamang sa bahay sa tulong ng internet.
Pero hindi pa rin matutumbasan ang pagbukas ng aklat. Marami pa rin po tayong mapupulot na aral kapag tayo po ay nagbabasa tulad ng dati po nating ginagawa.
Hindi naman po lahat ng mababasa natin sa google pawang katotohanan, kadalasan po kulang-kulang o ‘di kaya hindi totoo,” pahayag ng alkalde.
Nauna rito, ibinahagi ni Villanueva ang mga serbisyong naibigay ng Manila City Library mula Enero hanggang Setyembre para ipaalam sa publiko ang kahalagahan ng paggamit ng library.
Ayon kay Villanueva, kahit kasalukuyang ginagawa at hindi muna mapapakinabangan ang ilan sa mga library may kabuuang bilang na 156,856 pa rin ang napagkalooban nila ng serbisyo.
Kabilang dito ang mga library users na umabot ng 61,269; 16,099 na gumamit ng computer at wifi users; 21,762 ang mga nanghiram at gumamit ng libro; 47,891 ang mga batang napagsilbihan at 425 sa mga ito ang senior citizens.