Omicron

Mag-ingat po tayong lahat

January 5, 2022 People's Tonight 498 views

TulfoPATAAS ng pataas ang bilang ng mga tinatamaan ng coronavirus araw-araw sa ating bayan.

Ang mas nakakatakot pa, madami ang tinatamaan ng trangkaso ngayon dahilan para maubos ang mga paracetamol at gamot kontra sa trangsako sa mga botika.

Pangamba ng mga eksperto, baka hindi lang ordinaryong trangkaso ang tumatama sa marami nating mga kababayan ngayon kundi baka ito ay COVID virus pero “mild” lang ang tama sa kanila dahil nabakunahan na sila ng dalawang doses.

Pakiusap ng pamahalaan sa lahat na mag-ingat, at kung hindi naman mahalaga na lumabas ng bahay, ay iwasan na ang mga lakad.

Unti-unti na rin kasing napupuno ang mga ospital na tinatamaan ng COVID.

Ayaw ng pamahalaan na matulad tayo sa India noong nakaraang kung saan nasa kalsada na lang binabawian ng buhay ang mga pasyente dahil punong-puno na ang kanilang mga ospital.

Kaya bago pa man daw mapuno ang ating mga pagamutan, simulan na nating tulungan ang pamahalaan sa pagsunod sa mga health and quarantine protocols…mask, hugas, at iwas.

Speaking of quarantine protocols, nanawagan si ACT-CIS at Benguet caretaker Cong. Eric Yap kamakailan sa mga otoridad na parusahan o ikulong ang mga tumatakas sa mga quandantine facilities.

Ang tinutukoy ni Cong. Yap ay si Gwyneth Chua na tumakas sa kanyang hotel para mag-party kinabukasan.

Nabatid din mula sa Department of Tourism na isang biyahero ang lumabas din ng kanyang hotel para magpamasahe.

“Ang mga ganitong klasemg tao, dapat pinaparusahan o ikulong dahil tila wala silang respeto sa ating mga batas,” ani Yap.

Sang ayon ako kay Cong. Yap, dapat talagang ikulong ang mga tumatakas sa quarantine facility dahil wala silang pakialam kung makahawa sila ng mga tao sa ating bansa tulad na lamang ng ginawa ni Miss Chua.

Dapat lamang na ikulong ang mga ayaw sumunod sa mga alituntunin ng bansa lalo na ngayong may pandemya para magtanda ang mga ito at para hindi na pamarisan pa ng ibang mga kababayan natin na parating sa ating bansa.

Akala yata ng mga bwisit tulad ni Chua at yung isang nagpamasahe sa labas ng hotel, ay exempted sila sa ating mga batas.

Ipatikim ang rehas na bakal sa kanila para malaman nila na hindi sila exempted sa batas lalo na ngayong may pandemya. Ni Erwin Tulfo

AUTHOR PROFILE