Default Thumbnail

Mag-ina patay sa sunog sa QC

February 9, 2023 Melnie Ragasa-limena 465 views

NASAWI ang isang mag-ina matapos na makulong sa kanilang silid nang sumiklab ang apoy sa inuupahang 2–storey apartment sa Quezon City, Huwebes ng madaling araw.

Ayon kay Fire Insp. Marvin O Buraga, ng Quezon City Fire Department, bandang 2:29 ng madaling araw (Pebrero 9) nang magsimula ang sunog sa 2-storey residential sa Barangay Krus Na Ligas, Quezon City, na pag-aari umano ng isang nakilalang “Pepito Baylon Mente.”

Sumiklab ang apoy sa ikalawang palapag na nirerentahan ng mag-ina na isang 40-anyos na ginang at 17-anyos na anak nito.

Sinabi ni Fire Sr. Supt. Aristotle Bañaga, ay masusi pa nilang iniimbestigahan ang insidente kung may dapat managot sa pagkasawi ng mga biktima.

“Kakaiba po ang sunog na ito, iisang kwarto po siya at merong commotion… nandun yung bata, sinasabing nagsisigaw ng tulong at hindi mabuksan kasi naka-lock po nga. At later on, siguro mga ilang minuto, nandun na nga, bigla na lang nagkaroon ng apoy at nagkaroon ng sunog doon,” pahayag ni Bañaga sa isang panayam.

Umabot lamang sa unang alarma ang sunog na tumupok sa tinatayang P24,000 halaga ng mga ari-arian at matapos ang 30 minuto ay naapula ang apoy pasado alas-3:00 ng madaling araw.

Wala namang nadamay na iba pang kabahayan at hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pang iniimbestigahan ang sanhi ng sunog.

Nakatakda namang isasailalim ng mga awtoridad sa awtopsiya ang bangkay ng mga biktima upang mabatid kung may nagyaring foul play sa nangyaring insidente.