Mag-ina, 20 iba pa tiklo sa QC anti-drug ops

November 3, 2022 Melnie Ragasa-limena 114 views

INARESTO ng pulisya ang mag-ina, kabilang ang 20 pang drug suspects matapos na makumpiskahan ng aabot sa P116,960 halaga ng shabu sa isinagawang serye ng buy-bust operations sa Lungsod Quezon.

Sa report ng La Loma Police Station (PS 1) na pinamumunuan ni P/Lt. Col. Garman G. Manabat, ang naarestong mag-ina ay kapwa naninirahan sa Brgy. Manresa, Quezon City habang ang anak ay diumano’y nakalista bilang no. 5 station level drug personality.

Isinagawa ang buy-bust operation bandang 11:30 ng gabi (Nob. 2) sa nasabing barangay, matapos na makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad kaugnay sa ilegal na aktibidad ng mag-ina.

Nakumpiska ang walong sachets ng shabu na nagkakahalaga ng P11,560, digital weighing scale, at buy-bust money.

Nalambat rin ng mga awtoridad ang 20 pang suspek sa nasabing operasyon ng mga pulisya sa QC.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga suspek.

“Patuloy namin paiigtingin ang laban kontra kriminalidad lalong-lalo na ang ilegal na droga. Gayundin ang mahigpit na pagbabantay sa mga lansangan sa pamamagitan ng police visibility upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa ating pamayanan. Kung kailangan ninyo ng tulong at responde, i-dial lamang ang 122 at kami ay kaagad reresponde,” pahayag ni QCPD Director Brig. Gen. Nicolas Torre III.