Mag-dyowa timbog sa droga

December 11, 2022 Edd Reyes 55 views

NAHULOG sa kamay ng batas ang mag-siyotang sangkot sa ilegal na droga nang pagbentahan umano ng shabu ng lalaki ang pulis na nagpanggap na buyer Sabado ng gabi sa Navotas City.

Hindi na nakapalag ang suspek na si “Jomar” 18, nang posasan siya ng inaakala niyang buyer ng shabu sa halagang P500, gamit ang markadong salapi dakong alas-10:30 ng gabi sa Langaray St. Brgy. North Bay Boulevard South (NBBS)-Dagat-dagatan sa naturang lungsod.

Kasama ni Jomar ang girlfriend na si alias “Ethel” nang makipag-transaskiyon sa inaakala nilang buyer kaya’t inaresto rin siya ng mga tauhan ng Navotas Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Luis Rufo, Jr.

Ayon sa pulisya, ang pagkakadakip sa dalawa ay bunga ng isinagawang paniniktik at pagmamanman sa kanila ng Navotas Police SDEU makaraang makakalap ng impormasyon na dumadayo pa ang dalawa sa naturang lungsod mula sa kanilang tirahan sa Road 10, Pier 18, Vitas, Tondo upang magbenta ng ilegal na droga.

Matapos maberipika ng pulisya ang natanggap na impormasyon, ikinasa na nila ang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawa.

Nakuha sa magkasintahan ang anim na sachet na naglalaman ng shabu na nagkakahalaga ng P40,800,00 at ang markadong P500 ginamit ng pulis sa pagbili ng ilegal na droga.

Sinabi ni P/Lt. Rufo na sasampahan niya ng kasong paglabag sa Section 5 (Selling of dangerous drugs) at Section 11 (Possession of dangerous drugs) sa ilalim ng Article II ng R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Acto of 200 si Jomar habang paglabag sa Section 11 naman ng R.A. 9165 si Ethel sa piskalya ng Navotas City.

AUTHOR PROFILE