MTPB Nagmistulang mga maamong tupa ang mag-asawang empleyado ng MTPB ng Manila City Hall na sina Ronald Costales at si Jennilyn habang kausap ni PLt. Col. Rosalino Ibay Jr., chief ng Special Mayor Reaction’s Team (SMaRT) ng Manila Police District. Kuha ni Jon-jon Reyes

Mag-asawang taga-MTPB ninenok pondo ng opisina

April 2, 2022 Jonjon Reyes 209 views

NAHAHARAP sa dalawang kaso ng paglabag sa Section 3e ng Republic Act 3019 (Anti-Graft Practices Act at qualified theft ang mag-asawang nagtatrabaho sa Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) makaraang nadiskubreng iniskor ang mga perang ibinayad ng mga lumabag sa batas-trapiko ng lungsod Maynila.

Ang mga pera ay mga naipon sa pinangtutubos sa traffic violation mula sa mga huli ng MTPB enforcers na nasa loob mismo ng Manila City Hall, Arroceros St., Ermita, Manila, araw ng Biyernes.

Dahil dito, nakipag-ugnayan ang isang Rodel Delos Santos, 39, hepe ng OVR (Ordinance Violation Receipt) ng MTPB sa tanggapan ni P/Lt. Col. Rosalino Ibay Jr., chief ng Special Mayor Reaction’s Team (SMaRT) ng Manila Police District (MPD) upang imbestigahan at makapaghanda ng kaso.

Kinilala ang mag-asawa na sina Ronald Costales, 38, traffic enforcer at si Jennilyn, 31, MTPB OVR encoder at kapwa residente ng San Sebastian St., Bgy. 111, Tondo, Maynila.

Batay sa ulat ng pulisya, pasado alas-10:45 ng umaga nang kapwa dalhin sa tanggapan ng MPD-SMaRT ang mag-asawa makaraang madiskubreng nawawala ang kita na pinantubos ng mga traffic violators.

Pinangunahan ni P/Lt. Edgar Julian nang magtungo ito sa opisina ng MTPB sa ika-3 palapag ng gusali ng Manila City Hall.

Ang mag-asawa umano ay nagsabwatan para mang-umit ng pera at napag-alaman na nawawala ang kita mula sa kaha sa hindi pa matukoy na halaga. Nina Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE