Mag-asawang money lender nilooban, patay
NALILIGO sa sariling dugo at nakahandusay sa loob ng kanilang bahay nang matagpuan ng kanilang kaanak ang mag-asawang negosyante na hinihinalang pinaghahampas ng matigas na bagay ng hindi pa nakikilalang suspect na nanloob sa kanilang tahanan sa Brgy. Punta, Aparri,Cagayan.
Nakilala ang mga biktima na sina Ramon Ramones, 67, at misis nitong si Derlina Bambalan, 47; pawang money lender .
Batay sa ulat ng Cagayan Police, nadiskubre ang mga biktima na duguang nakabulagta sa kanilang tahanan dakong alas-7:30 ng umaga o ilang oras matapos ang mga itong patayin.
Ayon sa pulisya, isa sa mga kamaganak ng mag-asawa ang nagtungo sa kanilang tahanan nang madiskubre ang krimen.
Si Bambalan ay patay na habang si Ramones ay nagawa pang maisugod sa pagamutan pero binawian rin ng buhay sanhi ng tinamong mga sugat sa kaniyang ulo.
Hinala ng pulisya , ang mga biktima ay pinaghahampas ng matigas na bagay na siyang kumitil sa buhay ng mga ito.
Malaki umano ang posibilidad na pagnanakaw sa motibo ng krimen.
Sa isinagawang imbentaryo ng pulisya, nawawala ang dalawang bag na naglalaman ng hindi pa matukoy na halaga ng salapi at ang logbook ng magasawa na naglalaman ng talaan ng pautang ng mga ito.
Kasalukuyang inaalam kung may Closed Circuit Televesion (CCTV ) cameras sa lugar para makatulong sa imbestigasyon sa kaso .
Patulog naman ang pagsisiyasat sa kasong ito upang matukoy at maaresto ang mga salarin na pinaniniwalaang kakilala ng magasawa.