Mag-asawa timbog sa pagnanakaw sa British nat’l

December 9, 2022 Melnie Ragasa-limena 64 views

NATIMBOG ng pulisya ang isang mag-asawa matapos na makunan sa CCTV (closed-circuit television) camera ang ginawang pagnanakaw umano sa siang British national na kumakain sa isang fast food chain sa Quezon City, Huwebes ng gabi.

Ang mag-asawang suspek ay kapwa nakatira sa Barangay Mayamot, Antipolo City, Rizal.

Sa report ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), bandang 10:09 ng gabi (Disyembre 8), nang maganap ang insidente sa loob ng McDonald’s fast food chain na matatagpuan sa kanto ng Aurora Blvd., at Anonas S., Bgy. Quirino 2-B, Quezon City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni Pat. Jordan A Barbado, naaresto ang mga suspek sa kanilang tahanan sa Antipolo City, matapos na magsabwatan na pagnakawan ang biktimang British national.

Nabatid na nanlaban pa si ang lalaking suspek sa mga umaarestong mga pulis kung saan nasugatan sa kanang kamay si Pat. Regie Cabasag.

Nabawi mula sa mga suspek ang mga ninakaw sa biktima, at nasamsaman pa ang isang sachet na shabu na may timbang na .05 gramo na nagkakahalaga ng P340.

Inihahanda na ang mga kasong paglabag sa RPC Article 308 (theft), resistance and disobedience in person of authority at Section 11 of RA (Republic Act) 9165 laban sa mga suspek.