Mag-asawa sugatan sa karambola ng 3 sasakyan

January 5, 2022 Melnie Ragasa-limena 118 views

SUGATAN ang isang mag asawa sa naganap na karambola ng tatlong sasakyan sa Brgy. Bagong Pag-asa, Quezon City, nitong Miyrekules ng madaling araw.

Patuloy na ginagamot ang mag-asawang sina Michael at Rachelle Rapada, kapwa residente ng 115 Rd 8 Bagong Pag-asa, QC sa East Avenue Medical Center.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 4, bandang 3:30 a.m. (January 5), ng maganap ang karambola sa kahabaan ng Quezon Avenue-Agham underpass, Brgy. Bagong Pag-asa, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl Wagner C Acquisio ng Traffic Sector 4, sakay ng Nissan Sentra Sedan (TLR-493) ay binaybay ng mag-asawang Rapada ang Quezon Avenue nang mabangga nila ang rear left portion ng oil tanker (PXN-243) na minamaneho ni John Valeros.

Matapos ay nasalpok naman ng nakasunod na Toyota Corolla Sedan (PRF-313) na minamaneho ni Joshua Tolentino ang likuran ng sasakyan ng mag-asawang Rapada.

Dahil sa lakas ng impak ay kapwa nasugatan ang mag-asawang Rapada at isinugod sa ospital.

Inihahanda na ang kasong reckless imprudence resulting in damage to property with multiple physical Injuries laban sa driver ng Toyota Corolla Sedan.