Mag-asawa pinatay ng RIT sa loob ng tricycle

August 3, 2021 Melnie Ragasa-limena 299 views

MAGKASAMANG nasawi ang isang mag-asawa sa loob ng kanilang tricycle matapos pagbabarilin ng ‘riding-in-tandem’ nitong Lunes ng gabi sa lungsod Quezon.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Leo Dotado Gupit, 29, may asawa, sari-sari store owner at misis niyang si Lyn Alcos-Gupit, 28, housewife, kapwa residente ng 125 Aguinaldo Street, Pasong Tamo, Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-8:00 ng gabi (August 2) nang maganap ang insidente sa kanto ng Aguinaldo at Magsaysay Streets sa Barangay Pasong Tamo.

Batay sa imbestigasyon ni PCPL Mark Darwin Contado, isang Lester ang nasa loob ng kanilang bahay nang makarinig ng magkakasunod na putok ng baril sa labas.

Pagsilip umano ni Lester ay nakita niya ang isang babae at lalaki na kapwa duguang nakabulagta sa tabi ng kanilang improvised motorcycle (kulong-kulong) habang papatakas naman ang dalawang suspek na magka-angkas sa motorsiklo patungo sa direksiyon ng Gukbet Street.

Agad namang ipinagbigay-alam sa mga opisyal ng Barangay Pasong Tamo ang naganap na krimen at matapos ay inireport sa mga awtoridad.

Ayon naman sa SOCO na pinamumunuan ni PLt. Reynold Tabbada, si Leo Gupit ay nagtamo ng tama ng bala sa dibdib at braso habang ang misis naman nito ay tinamaan din sa dibdib at kaliwang tainga.

Masusi nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa naganap na pamamaril.