Default Thumbnail

Mag-amang suspek, shabu ‘supplier’ timbog sa buy-bust

February 7, 2023 Edd Reyes 335 views

DALAWANG magkasunod na operasyon laban sa ilegal na droga ang nagresulta sa pagkakadakip sa tatlong “drug pushers,” kabilang ang mag-ama, at pagkakakumpiska sa mahigit P80,000 halaga ng shabu Lunes ng gabi at Martes ng madaling araw sa Malabon City.

Unang nadakip ng mga tauhan ng Malabon Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) na pinamumunuan ni P/Capt. Alexander Dela Cruz ang mag-ama, kapwa residente ng Dagat-dagatan Bgy. Longos, matapos pagbentahan ng halagang P500 shabu ang pulis na nagpanggap na buyer dakong alas-11:30 ng gabi sa kanto ng Hasa-Hasa at Langaray Streets sa Bgy. Longos.

Sa ulat ni Dela Cruz kay Malabon Police chief P/Col. Amante Daro, nakumpiska nila sa mag-ama ang tinatayang 5.9 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P40,120, pati na ang markadong salapi na ginamit sa buy-bust operation.

Dahil dati namang naglilingkod bilang barangay tanod ang amang suspek, napilitan siyang inguso ang pinagkukuhanan nilang mag-ama ng ibinebentang shabu na naging daan upang iutos ni Daro kay Dela Cruz na muling magsagawa ng operasyon bilang tugon na rin a programa ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Major Gen. Jonnel Estomo na S.A.F.E. NCRPO.

Dakong alas-3:30 ng madaling araw nang matagumpay na nadakip sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa kanto ng Hiwas at Labahita Sts. sa Bgy. Longo ang sinasabing “supplier” ng ilegal na droga, residente ng Bgy. Longos, matapos niyang iabot ang isang maliit na pakete ng shabu sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng P500 markadong salapi.

Sinabi ni Daro na nakuha sa suspek ang tinatayang shabu na tumitimbang ng 6.9 gramo na nagkakahalaga ng P47,120 at ang markadong salapi na ginamit sa operasyon.

Ang tatlong nadakip ay kasalukuyan nakapiit sa custodial facility ng SDEU habang inihahanda ang mga kaukulang kasong isasampa laban sa kanila.

AUTHOR PROFILE