Mag-aaral, guro sa ALS di napag-iwanan sa 2025 GAA
ANG 2025 General Appropriations Act (GAA) ay nagbibigay katiyakan ng patuloy na suporta sa mahahalagang programa sa edukasyon, kabilang ang Alternative Learning System (ALS), na siyang mapagkukunan para sa mga mag-aaral na may kapansanan, at mga reporma sa mga subsidy program ng gobyerno upang bigyang-prayoridad ang pinakamahihirap na mag-aaral sa ilalim ng kasalukuyan sistema sa Edukasyon.
Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, ang alokasyon na ₱634.083 milyon sa ilalim ng Flexible Learning Options budget ay nagbibigay suporta sa mga programa ng ALS. Ang pondong ito, dagdag pa ng senador, ay para sa mga learning materials, transportasyon, at allowances ng ALS teachers at Community ALS Implementers na katuwang ng Department of Education (DepEd).
Ang ALS program, na ginawang institusyonal sa pamamagitan ng batas na isinulong ni Gatchalian, ay nagbibigay ng oportunidad sa mga out-of-school children at matatanda, kabilang ang mga katutubo, na makapag-aral at makabuo ng literacy at life skills.
Bukod dito, ₱100 milyon ang inilaan sa ilalim ng Textbooks and Other Instructional Materials budget para sa mga mag-aaral na may kapansanan. Ang pondong ito ay susuporta sa mga electronic at online learning platforms at mga safety lessons upang masiguro ang pantay na access sa dekalidad na edukasyon, alinsunod sa Republic Act No. 11650.
“Tiniyak natin na sa ilalim ng 2025 national budget, hindi mapag-iiwanan ang ating mga mag-aaral at guro sa ALS, pati na rin ang mga mag-aaral na may kapansanan. Mahalaga ang mga programang nagtataguyod ng kanilang kapakanan at nagbibigay ng oportunidad para sa abot-kaya at dekalidad na edukasyon, kaya naman sinigurado natin na may sapat na pondong nakalaan para sa pagpapatupad ng mga programang ito,” ayon kay Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Tiniyak din ni Gatchalian na ang mga subsidy program ng gobyerno para sa mga pribadong paaralan ngayong 2025 ay bibigyang-priyoridad ang pinakamahihirap na mag-aaral.
Ipinaliwanag din ni Gatchalian na ang mga mungkahing amendment sa special provision ng Government Assistance and Subsidies sa ilalim ng DepEd budget ay kasama sa national budget. Ang mga pagbabagong ito ay titiyakin na ang mga kabahayan na may mababang kita ang mabibigyan ng prayoridad sa Senior High School Voucher Program (SHS-VP) at Educational Service Contracting (ESC) Program.
“Nakasaad sa 2025 national budget na bibigyan ng prayoridad ang mga mag-aaral mula sa mga pinakamahihirap na kabahayan sa mga programang pang-subsidiya, tulad ng SHS-VP at ESC, upang masiguro na ang pondo ng gobyerno ay napupunta sa mga tunay na nangangailangan,” ani Gatchalian.
Para sa 2025, ₱12.077 bilyon ang inilaan para sa ESC program, na sumasagot sa tuition at iba pang bayarin ng mga sobrang mag-aaral mula sa mga masisikip na junior high schools na pumapasok sa mga pribadong paaralang katuwang ng DepEd. Bukod pa rito, ₱27.024 bilyon ang inilaan para sa SHS-VP, na nagbibigay ng pinansyal na tulong sa mga senior high school learners mula sa mga pribado at non-DepEd schools.
Tinukoy ni Gatchalian ang mga inefficiency sa subsidy programs noong mga nakaraang taon. Natuklasan ng kanyang tanggapan na 68% ng mga benepisyaryo ng ESC para sa School Year (SY) 2020–2021 at 70% ng SHS-VP beneficiaries para sa parehong taon ay mula sa mga non-poor households. Dahil dito, bilyun-bilyong piso ang napunta sa mga mag-aaral na hindi kabilang sa pinakamahihirap na sektor. Noong SY 2020–2021, ₱7.21 bilyon o 53% ng budget ng SHS-VP ang napunta sa mga non-poor learners, na nagha-highlight sa pangangailangan ng mas mahigpit na target.
Binigyang-diin naman ni Senate Finance Committee Chairperson Senator Grace Poe ang kahalagahan ng fiscal responsibility at implementasyon ng safeguards upang masiguro na ang pondo ng gobyerno ay mapunta sa tamang benepisyaryo.
Pinuri rin ng senadora ang conditional implementation ng AKAP program upang maiwasan ang maling paggamit at dobleng benepisyo, na nagpatibay sa social safety nets para sa mahigit apat na milyong low-income earners.
Inilarawan naman ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero ang 2025 GAA bilang isang produktong resulta ng kolaborasyon, na binibigyang-diin ang kahalagahan nito sa pag-iwas sa reenacted budget at pagpapatuloy ng serbisyo ng gobyerno.
“What is important is that the 2025 GAA was signed before the year ended and the country avoided starting the new year on a reenacted budget,” ani Escudero.
“No one branch reigns supreme and dictates over the other. The process of divergent opinions and compromises demonstrates a strong system of checks and balances,” dagdag pa niya.
Ang 2025 GAA ay sumasalamin sa fiscal responsibility at pangako sa pantay na edukasyon at social welfare, na nagbibigay-daan sa sustainable national progress.