Default Thumbnail

Madugong birthday party sa Pampanga

December 8, 2023 Bernard Galang 160 views

ISANG miyembro ng LGBT ang napatay noong Biyernes sa isang madugong inuman sa kaarawan sa Sta. Ana, Pampanga.

Sa ulat kay PRO3 director Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr., kinilala ng Pampanga police ang nasawi na si Jessie Samson, 43, ng Bgy. San Nicolas, Sta Ana, Pampanga, habang arestado ang mga suspek sa pangunguna ni Baby Chriezaldy Hinlo at anim na iba pa.

Sinabi ng pulisya na ang isa pang biktima ng pananakit ay kinilalang si Oliver Pangilinan, isa ring miyembro ng LGBT, at residente ng Bgy. Plaza Luma, sa Arayat, Pampanga.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na ang mga biktima ay inimbita sa isang birthday party ng isa sa mga suspek.

Makalipas ang ilang minuto, nagpasya ang dalawang biktima na bumili ng mas maraming alak para sa party at pagbalik, sa hindi malamang dahilan, sinuntok at sinipa ng mga suspek ang mga biktima.

Nakatakas si Pangilinan at humingi ng tulong sa Bantay Bayan ng Bgy. San Nicolas, Sta. Ana na agad rumesponde sa pinangyarihan na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Isinugod si Samson sa HTC Laboratory Hospital sa Bgy. San Juan ng mga miyembro ng Bantay Bayan ngunit idineklara itong dead on arrival.

Ang lahat ng mga suspek ay nasa kustodiya na ng Sta. Ana police at sasampahan ng kasong murder at physical injuries.

AUTHOR PROFILE