MADRONA: SEC. FRASCO NAPAKAHUSAY NA ‘SALESLADY’
Kaya mabentang-mabenta turismo ng Pilipinas sa mga dayuhan
ITINUTURING ng House Committee on Tourism na napakahusay na “saleslady” ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia Frasco dahil sa napakagaling na promotion nito kung kaya mabentang-mabenta ang turismo ng Pilipinas sa mga dayuhan o international community.
Sa panayam ng People’s Tonight, sinabi ni Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, chairman ng House Committee on Tourism, na maganda ang mga “projections” ni Frasco para sa Tourism Department sa loob ng anim na taon sa ilalim ng administrasyon ni President Ferdinand Marcos, Jr.
Ipinaliwanag ni Madrona na halimbawang mayroong binebenta produkto at magaling ang salesman o saleslady na nagbebenta nito, tiyak aniya na marami ang mahihikayat o mae-engganyong bumili ng nasabing produkto.
Kung saan, ganito ang ipinamamalas mismo ni Secretary Frasco.
“Kapag mayroon kang binebentang produkto at kapag magaling ang promotion mo. magiging maganda ang resulta. As in left and right, grabe yung pagebenta ng ating Philippine tourism. Kaya naman makikita natin na dumadagsa sa Pilipinas ang mga dayuhan kasi magaling na saleslady si Secretary Frasco,” ayon kay Madrona.
Nabatid din kay Madrona na nakikita nilang kayod-kalabaw ang DOT sa ilalim ng liderato ni Frasco sa pagpo-promote ng turismo ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagdalo sa iba’t-ibang seminar at meeting sa mga foreign investors para hikayatin ang mga dayuhan na mamuhunan sa mga tourist destinations.
Binanggit din ng kongresista na inaasahan na darating sa buwan ng Mayo ay darating sa Pilipinas ang mga “cruise ships” para bisitahin ang iba’t-ibang tourist sites sa bansa bilang bahagi ng kanilang paglalayag o travel na siyang resulta ng mahusay na pang-eengganyo ni Frasco.
“In fact itong darating na May ay mayroong mga darating na cruise ships dito sa Pilipinas. Just imagine if the cruise ships are coming in gaya dito sa province of Romblon we are expecting three to four cruise ships na pupunta. Hindi lamang sa Romblon marami pang iba,” sabi ni Madrona sa panayam ng People’s Tonight.
Sinabi ni Madrona na ang mga kaganapang ito ay resulta lamang ng puspusang kampanya ng Tourism Department para i-promote ang turismo ng Pilipinas sa mga dayuhan at international community. Ni Mar Rodriguez