Madrona

Madrona: Pier 88 ni Frasco isang landmark project

May 25, 2023 Mar Rodriguez 268 views

DukeDuke1ITINUTURING ng House Committee on Tourism na isang “landmark project” ni House Deputy Speaker at Cebu City 5th District Congressman Vincent Franco “Duke” D. Frasco ang pagtatayo ng Pier 88 o Liloan Port sa Cebu City bunsod ng mga nakahilerang oportunidad na mabibigay nito para sa mga Cebuano.

Ipinaliwanag ni Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, chairman ng tourism committee sa Kamara, na hindi lamang basta ordinaryong “seaport” ang nakikita nito sa ipatatayong Pier 88 sa Liloan Cebu. Bagkos kundi isang “world-class” seaport na maipagmamalaki ng mga Cebuano.

Binigyang diin ni Madrona na hindi malayong maging kahalintulad ng Pier 88 o Liloan Port ang mga pantalan sa ibang bansa na dinadayo ng napakaraming turista mula sa iba’t-ibang panig ng daigdig. Kaya maaaring ganito rin umano ang maging imahe at itsura ng Pier 88 sa darating na panahon.

Ayon kay Madrona, sakaling makumpleto na ang konstruksiyon ng Pier 88, ito umano ang magiging “landmark project” o tropeo ni Frasco.

Sapagkat ipinakikita lamang dito na pinagsikapan ng mambabatas at naging masigasig ito para mabigyan ang mga Cebuano ng isang “de-kalidad” na pantalan o seaport, ayon kay Madrona.

Sinabi pa ng kongresista na ang ipatatayong Pier 88 o seaport sa Liloan ay hindi maaaring matawag lamang na “payak” o simpleng pantalan dahil nakapaloob aniya sa proyektong ito ang iba’t-ibang amenities at recreation centers na magpapa-engganyo o makaka-akit ng mga lokal at dayuhang turista.

Naniniwala si Madrona na maaaring ang pangunahing layunin ng Pier 88 ay hindi lamang basta maging pantalan para sa transportasyon ng mga Cebuano o alternative mode of transportation sa pamamagitan ng ferry boat, bagkus ay para magsilbi din itong “tourist attraction” para sa mga turistang bumibisita sa Cebu City.

Nauna ng sinabi ni Frasco na hindi lamang basta pantalan ang magiging papel ng Pier 88 dahil ito aniya ay magiging isang napakalaking establisyimento na magbubukas ng maraming negosyo tulad ng mall, supermarket o groceries, sinehan, leisure park, restaurants, at iba pang mga negosyo.

Muling binigyang diin ni Frasco na ang Pier 88 o Liloan Pier project ay isang “economic gateway” patungo sa mas lalo pang pag-unlad ng ekonomiya ng bayan ng Liloan dahil sa napakaraming trabaho at ganansiya na maibibigay nito para sa mga kababayan na lalo pang magpapa-angat sa ekonomiya ng lalawigan.

AUTHOR PROFILE