Madrona Si ‘Budoy’ Madrona (kaliwa) ay naniniwala na ang pagbubukas ng Pier 88 project ni Cong. Duke Frasco ay maghahatid ng malaking kita mula sa mga turistang bibisita sa Cebu City.

Madrona: Cebu tourism kikita ng malaki sa Pier 88 ni Rep. Frasco

May 24, 2023 Mar Rodriguez 308 views

IPINAHAYAG ng House Committee on Tourism na bukod sa pagpasok ng malalaking negosyo at pagkakaroon ng maraming trabaho para sa mga Cebuano kaugnay sa napipintong paglulunsad ng Pier 88 project.

Malaki ang paniniwala ng Komite na maghahakot din ito ng “limpak-limpak” na ganansiya mula sa mga papasok na dayuhan at lokal na turista sa Cebu City.

Ipinaliwanag ni Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, chairman ng Tourism Committee, na ang anumang uri ng transportasyon sa pamamagitan ng eroplano, bus o barko man ay isang epektibong pamamaraan para makarating sa isang partikular na destinasyon.

Sinabi ni Madrona na kilala ang Cebu City hindi lamang sa mga lokal na turista bagkos maging sa mga dayuhang turista kung kaya’t hindi mabibilang sa daliri ang dami ng mga local at foreign tourists na nagtutungo sa nasabing lalawigan dahil sa mga magaganda at nakaka-akit na tourist attraction dito.

Binigyang diin ni Madrona na kabilang na dito ang makasaysayang “Magellan’s Cross,” ang kaakit-akit na Plantation Bay Beach Resort, at ang taunang “Sinulog Festival” na dinadayo ng napakaraming turista.

Dahil dito, ipinahayag ng kongresista na ang pagpapasimula at pagbubukas ng Pier 88 o Liloan Port na proyekto mismo ni House Deputy Speaker at Cebu City 5th District Congressman Vincent Franco “Duke” D. Frasco ay hindi lamang magbibigay ng malalaking oportunidad sa halip ay magmimistula pa itong “mina ng ginto” dahil sa pagpasok ng napakaraming turista na makakatulong ng malaki sa ekonomiya ng nasabing lalawigan.

Sinabi ni Madrona na ito’y sa kadahilanang mas magiging “accessible” ang papasok ng Cebu City sa pamamagitan ng Pier 88 mula naman sa mga karatig lalawigan nito katulad ng Visayas, Bohol, Leyte, at iba pang lalawigan.

Nauna rito, ipinahayag ni Frasco na optimistiko siya at malaki ang kaniyang paniniwala na sa pagbubukas ng proyekto nitong Liloan Port o Pier 88 ay magbubukas din ang mga magagandang oportunidad para sa mga residente ng Liloan, Cebu City sa pamamagitan ng mga negosyo.

Ayon kay Frasco, positibo ang kaniyang “projection” o nakikitang magandang kapalaran sa pagsisimula ng Pier 88 para sa mga residente ng Liloan o mga Cebuano sa kabuuan dahil sa mga negosyong itatayo o bubuksan sa loob mismo ng Liloan Port na magbibigay naman ng maraming trabaho.

AUTHOR PROFILE