Madam Inutz, recording artist na
RECORDING artist na nga ang vlogger/online sensation na si Daisy Lopez, a.k.a. Madam Inutz, courtesy of her manager, Wilbert Tolentino.
Ang debut single niyang Inutil, na isinulat ni Ryan Soto, ay pwedeng i-download sa Spotify, Apple Music, Amazon Music, Deezer, Tidal, Vevo, TikTok, YouTube Music, Beatport, Instagram, Snapchat, Twitch, Shazam, iTunes, Facebook, iTunesRadio, atbp.
Ayon kay Madam Inutz, malaki ang pasasalamat niya sa manager sa pagkakataong ibinigay nito para magkaroon siya ng debut single sa edad niya.
Sa dinami-rami nga raw ng mga mas bata sa kanyang nangangarap maging recording artist, siya pa ang napili ni Wilbert.
Kwento niya, ilang araw din siyang hindi uminom ng malamig na tubig at nagbawas ng pagsigaw sa online selling para makondisyon ang kanyang boses.
Ang international act na si Miley Cyrus ang idolo niya pagdating sa boses at galaw. Pero type rin daw niya ang swag nina Cardi B at Nikki Minaj na tingin niya ay babagay sa kanya.
Pagdating sa wardrobe, marami raw siyang inspiration na mga sikat na artist. Pero gusto niyang gumawa ng sariling image na papatok sa masang Pilipino.
Sa totoo lang, ni hindi nga raw sumagi sa isip niya na sisikat siya sa pagmumura sa online selling. Ang alam lang daw niya ay magtinda ng ukay-ukay items para may maipambayad sa upa at maipambili ng gamot ng inang na-stroke at limang taon nang bedridden.
Ngayong nabigyan siya ng oportunidad na maging recording artist, sino ba naman daw siya para tumanggi?
Masasabing malapit sa puso ni Madam Inutz ang Inutil dahil tiniyak ni Ryan na may kinalaman ito sa catch phrases niya sa pag-o-online selling.
May parts din sa kanta kung saan binabanggit ang perception ng publiko sa kanyang pagkatao at karakter. Marami rin sa lyrics ay tungkol sa kanya, lalo na sa parteng bridge kung saan binanggit ang mga lugar na pinanggalingan niya tulad ng Tondo at Amadeo, Cavite.