Machine operator dedo sa papamaril sa Novaliches

June 27, 2022 Melnie Ragasa-limena 89 views

ISANG tama sa ulo ang tumapos sa buhay ng isang machine operator nang barilin ng kaniyang kapitbahay sa Novaliches, Quezon City (QC), nitong Linggo ng umaga.

Ang biktima ay nakilalang si Celerino Rivas Bertiz, 41, biyudo, machine operator, at residente ng Bgy. Gulod, Novaliches, Quezon City.

Ang nakatakas na suspek naman ay naninirahan sa Margarita St., Bgy. Gulod, Novaliches, QC.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Novaliches Police Station 4 (PS-4), bandang 6:50 ng umaga, Hunyo 27 nang maganap ang insidente sa harap ng bahay ng biktima sa lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon nina P/Cpl. Mario Del Rosario Jr. at P/Cpl. Jerwin Gregorio ng PS-4, papasok na umano sa trabaho ang biktima nang biglang sumulpot ang suspek at agad na malapitang pinaputukan sa ulo ang biktima.

Nang duguang bumulagta ang biktima ay tila walang nangyari at kaswal lamang na naglakad ang tumakas na suspek.

Ayon sa mga nakasaksi sa krimen, hindi nila nagawang harangin ang suspek sa takot na madamay sila.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaril habang tinutugis pa ang nakatakas na salarin.