Mabuti na lang ‘andyan ang Korte Suprema

September 1, 2022 Paul M. Gutierrez 263 views

PaulBAGO ang lahat, binabati natin si Atty. Eryl Royce Nagtalon, ang bagong ‘SDA’ (senior deputy administrator) sa National Irrigation Authority (NIA), na pinamumunuan ngayon ng ating kaibigan, kumpare, kapatid, etcetera, etcetera, na si Benny Antiporda.

Congrats na rin kay Mr. Ralph Lauren Ancheta Du, na itinalaga rin ni PBBM bilang deputy administrator ng NIA.

Sa bagong ‘tandem’ ngayon sa NIA sa pangunguna ni Benny at Atty. Eryl, dapat nang maging panatag ang kalooban ni PBBM na matutupad ang kanyang mandato sa NIA na bigyan ng irigasyon ang lahat ng sektor ng ating agrikultura! Mabuhay kayo, mga bosing!

***

Mabuti na lang, mga kabayan, at ‘andyan ang ating Korte Suprema. At nais nating ipaabot kay SC Chief Justice Alexander Gesmundo at sa lahat ng mahistrado, ang pasasalamat ng milyon-milyon nating mga motorista sa inilabas nitong ‘TRO’ (temporary restraining order) hinggil dito sa scam, ehek, sa peste, agh, kontrobersyal na ‘NCAP’ (no contact apprehension program) na masugid na ipinatutupad ng 5 LGUs sa Metro Manila.

Aber, sa dami na ng nabiktima nito, marami ang dumating sa konklusyon na ang ibig talagang sabihin nitong NCAP ay… ‘Nasa Camera Ang Pera,’ hehehe, ayy, huhuhu!

Translation? Hindi naman talaga pagdisiplina sa mga motorista, bagkus, malinaw na delihensiya lang naman ang ultimong pakay ng pribadong kumpanya na nagpapatupad nito kasabwat umano ang mga LGUs at ang LTO. Kumbaga, ginawa na nila itong “gatasang baka”– lumilikom sila ng milyones kada araw nang walang kahirap-hirap, talaga rin naman!

Inilabas ng SC ang TRO matapos magpetisyon ang iba’t ibang grupo ng mga motorista gaya ng Kilusan sa Pagbabago ng Industriya ng Transportasyon, Inc. (KAPIT), Pasang-Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP) at Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO).

Ayon sa kanila, labag umano sa Konstitusyon ang NCAP.

Nauna na nating nabanggit noon na mas marami pang nalilikhang problema ang NCAP kesa solusyon sa trapiko o disiplina kuno ng mga driver.

Bagamat sabihin na nating maganda ang layunin ng NCAP, hindi ito ang aktuwal na nangyayari dahil mas nakakaperwisyo ito sa mga motorista sa maraming dahilan.

Uulitin natin ang dati na nating nabanggit. Una sa usapin ng disiplina. May NCAP man o wala kung sa simula pa lang ay hindi na naturuan ng disiplina ang isang nagmamaneho hindi ang NCAP ang makakapagpabago nito. At kung talaga namang walang disiplina, eh, bakit binigyan ng LTO ng lisensiya? Hindi ba ang unang may pagkukulang dito ay ang LTO?

At para pagtakpan ang kanilang kahinaan, ‘nakipagsabwatan’ pa dito sa sindikato ng NCAP, tsk!

Sa usapin ng mga taxi halimbawa, hindi naman drayber ang huhulihin ng NCAP kundi yung may-ari o operator ng taxi. Dahil hindi naman pagmumukha niya ang nakunan ng sasakyan kundi ang plaka lamang ng sasakyan.

Kung ganoon, mas lalong hindi susunod sa batas trapiko at magiging pasaway ang isang taxi driver o jeepney o bus driver kasi operator ang magbabayad ng kaniyang traffic violations.

Ganoon din marahil sa ang ikinabubuhay ay rent a car o van dahil kung ako ang magrerenta at magmamaneho, ok lang na mag-violate ako ng traffic rules sa kalsada dahil hindi naman ako ang siyang mahuhuli kundi ang may-ari ng sasakyan.

Kamakailan din ay nagpulong ang mga cargo truck owners at iba pang mga stakeholders sa Aduana kung saan isa rin sa idinadaing na nila ngayon ay ang walang katapusang pagbabayad nila dito sa NCAP!

Dangan nga kasi, ang may-ari ng sasakyan ang siya ngayong violator sa ilalim ng NCAP at hindi ang mismong driver. Kahit itanong po ninyo sa bata hindi puwedeng si Pedro ang gumawa ng kasalanan pero si Juan ang mapaparusahan.

At ano na ang nangyari sa regulasyon, LTO chief, Teofilo Guadiz, that ‘a traffic violation is personal to the driver,’ aber?

Isa pa, may mga violation na talagang pwede mong i-contest dahil may mga kondisyon sa kalsada na hindi nauunawaan ng camera. Halimbawa, kung kailangan mong umiwas sa lubak o di kaya’y hambalang sa kalsada na maaari mong ikaaksidente o ng ibang motorista, mauunawaan ba iyon ng kamera? Kung may bumbero o ambulansiya?

Ihalimbawa rin natin ang baku-bako at sandamakmak na mga obstruction sa mga kalye ng Maynila, partikular na ang kahabaan ng Taft Avenue na sandamakmak din ang mga camera ng NCAP. Paanong hindi lilipat ng linya ang isang motorista sa ganitong mga kalsada, aber? At pagkatapos, pagbabayarin ka sa kasong ‘swerving’ di umano?

Sa NCAP nga kasi, parusa o multa muna bago mapatunayan na nagkasala ka talaga. Kung tutuusin walang due process na nangyari. ‘Yun bang… parang kay ‘Alice in Wonderland’ na una munang parusahan bago ang ebidensiya– first the verdict and then the evidence.

Kaya naman sino ba naman ang hindi magpepetisyon laban dito? Sa totoo lamang po, malaking pera ang kinikita dito ng mga lokal na gobyerno dahil sa isang sasakyan pa lamang po ilang libo na agad ang minumulta sa kanila.

Hindi nga po kasi ito sistema para ayusin ang trapiko kundi sistema paano pagkakitaan ang mga motorista. Ganyan po ang nangyayari diyan.

Totoong malaki ang problema natin pagdating sa disiplina sa kalsada pero mukhang hindi po ang NCAP ang solusyon para dito.

At sinasabi ng mga LGUs at LTO– kasama na ang mga bayarang organisasyon ng mga umano’y ‘concerned citizens’ na “maganda” ang layunin ng NCAP. Eh, bakit naman hindi, lahat sila rito nagkakapera kaya nga ‘nasa camera ang pera (NCAP), hindi ba, mga kabayan, hehehe!

Sa pagkakataon po na ito, buti na lamang at naririyan ang Korte Suprema na natakbuhan ng mga biktima at umaksyon pabor sa mga motorista.

Kaya naman pagsaludo po at maraming salamat sa TRO. Ngayong parating ang Kapaskuhan ay malaking ginhawa na po ito sa mga motorista na hindi na sila magagatasan ng NCAP na ito. Dahil ang oral argument nito ay nakatakda pa sa Enero 2023.

Muli, tanggapin ninyo, Chief Justice Gesmundo, ang sinserong pasasalamat ng mga milyones nating mga kababayan na biktima ng NCAP!

Mabuti ‘andyan ang SC dahil kung “umasa” tayo sa LTO at dito kay Guadiz, siguradong… “nganga” tayong lahat!

Abangan!

AUTHOR PROFILE