Magi

Mabuhay ka, Kalihim Boying Remulla !

November 16, 2024 Magi Gunigundo 123 views

ISA sa mga kahinaan ng sistema ng hustiya ang kupad ng pag-inog ng gulong ng hustisya dahil sa tagal ng proseso ng imbestigasyon. Gumawa ng malaking hakbang ang Kagawaran ng Katarungan upang mapabilis ang panahon ng pag-iimbestiga sa mga taong nirereklamong lumabag sa Revised Penal Code at iba pang batas na nagpapataw ng parusa na kulong o multa sa lumabag dito. Nilabas noon Hulyo 16,2024 ang DOJ Department Circular 015(DC 15) 2024 DOJ-NPS Rules on Preliminary Investigations and Inquest Proceedings, at kamakailan lang ay nalathala sa peryodiko ang DOJ Department Circular 28 (DC 28) – ang 2024 DOJ-NPS Rules on Summary Investigation and Expedited Preliminary Investigation.

​Magkahalintulad ang DC 15 at DC 28 sa kailangang “quantum of evidence” upang magsampa ang piskal ng kaso kriminal sa hukuman – “prima facie evidence with reasonable certainty of conviction.”

Mayroon pagkakaiba and DC 15 at DC 28. Saklaw ng DC 15 ang mga reklamo na kung mahahatulan ang akusado,ang parusa sa ginawang krimen ay kulong ng anim na taon at isang araw pataas. Saklaw naman ng DC 28 ang mga reklamo na kung mahahatulan ang akusado, ang parusa ay kulong na anim na taon pababa.

Nagsisimula ang proseso ng preliminary investigation sa isang complaint-affidavit ng biktima ng krimen na ihahain sa Prosecutor’s Office. Kailangan may isang orihinal at dalawang kopya nito na itatabi ng Prosecutor’s Office at karagdagang kopya batay sa dami ng inaakusahang tao na ibibigay sa pinaparatangan ng krimen. Nakasaad dito ang pangalan at tirahan ng magkabilang panig, ang oras at araw at lugar kung saan naganap ang krimen, at pagsasaysay ng pangyayari kung paano nilabag ang krimen . Ilalakip din dito ang mga affidavit ng testigo, at iba pang ebidensya upang mabuo ang palagay na mayroon “prima facie evidence with reasonable certainty of conviction.”

Sa ilalim ng DC 28, kailangan aralin sa loob ng tatlong araw ng Prosekutor kung tama at kumpleto ang laman ng complaint-affidavit. Kung kulang ito sa impormasyon na dapat na nakasaad sa complaint affidavit o hindi kumpleto ang ebidensyang kalakip nito, mayroon 20 araw sa kalendaryo ang Prosekutor para mag- case build up (CBU). Kung kulang pa rin ang ebidensya, isasarado na ang usapin ng Prosekutor.

Kung kumpleto sa porma at kalakip na ebidensya ang complaint-affidavit, magpapadala ng subpoena ang Prosekutor sa inirereklamo. Ilalakip sa subpoena ang sipi ng complaint affidavit at mga ebidensyang kasama nito at bibigyan ng 15 araw na taning na panahon ang inirereklamo upang maghain ng counter-affidavit at mga affidavit ng kanyang testigo.

Dahil nga “summary” ang preliminary investigation ng DC 28, ipinagbabawal ang mga sumusunod na papeles at mosyon na ihain sa Piskalya: reply-affidavit at rejoinder-affidavit, motion to dismiss or quash the complaint ( maliban na lang kung ito ay batay sa “lack of jurisdiction over the subject matter”), motion for bill of particulars, motion for extension of time to file pleadings, affidavits or other submissions, memoranda, dilatory motions for postponement.

Pinapaalalahanan din ang lahat na bawal magsampa ng petisyon ng certiorari, prohibition at mandamus sa ilalim ng Rule 65 ng Rules of Court na kumukwestiyon sa mga interlocutory orders na nilalabas ng Prosekutor sa pagsunod sa proseso ng DC 28.

Sa DC 15, pinapayagan ang reply affidavit at rejoinder affidavit kung sa palagay ng Prosekutor ay kailangan ito sapagkat ang counter-affidavit ng inirereklamo ay naglabas ng mga bagong pangyayari at malalim na tanong sa aplikasyon ng batas na materyal at makaka-apekto sa pagresolba ng reklamong nakapaloob sa complaint affidavit.

Binabati natin ang pamunuan ng DoJ, sa kanilang inisyatibo sa DC 15 at DC 28 upang mabawasan ang mga insidente ng pagkabinbin ng reklamo sa piskalya at ang pagsasampa ng mga kaso sa hukuman na dinidismis lang ng Hukom dahil hindi sapat ang CBU ng mga law enforcement agency at piskalya na kailangan upang malampasan ang “reasonable doubt” sa isip ng hukom na may duda kung ginawa ng akusado ang krimen. Mabuhay ka, Kalihim Boying Remulla!

AUTHOR PROFILE