Paul Gutierez

Mabuhay ang mga magsasaka!

February 13, 2024 Paul M. Gutierrez 359 views

NAGPUPUGAY tayo sa ating magigiting na magsasaka dahil nakapagtala ang bansa ng “record-high” 20 million metric tons (MT) ng bigas noong nakaraang 2023.

Sa isang “ceremonial palay harvesting” at pamamahagi ng iba’t ibang ayuda sa mga magsasaka sa Candaba, Pampanga kamakailan, ibinida ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na mas mataas ng 1.5 porsiyento ang produksyon ng bigas kumpara sa parehong panahon noong 2022.

Ang pagtaas ng produksyon ay katumbas na 300,000-MT mula sa dating produksyon na 19.76 million MT noong 2022.

Ibig sabihin nito, mga kababayan, mas madaragdagan ang bigas sa hapag-kainan ni “Juan dela Cruz” at makakatulong ito sa pag-angat ng “rice-sufficiency” ng ating bansa.

At para sa kaalaman natin, ang mataas na record ng ani na ito ay nairehistro noong panahon na si PBBM pa ang concurrent secretary ng Department of Agriculture, take note, DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Pero siyempre, bukod kay PBBM, sinasaluduhan din natin ang mga masisipag nating magsasaka – na itinuturing nating mga bayani — dahil sa kanilang patuloy na sakripisyo upang matiyak na may magandang ani taun-taon.

Mantakin n’yo, sa kabila na maraming sakahan ang na-convert sa mga subdibisyon, commercial at industrial, nagsumikap pa rin ang ating mga magsasaka na makapag-ani ng ganito karami upang masiguro na may sapat na supply ng bigas.

Dahil sa mataas na produksyon na ito, ipinadama lamang ng Marcos administration na hindi pinapabayaan ang sektor ng agrikultura. Ang mataas na produksyon ng bigas ay bunga ng mahusay na programa ng pamahalaan sa pamamahagi ng high quality seedlings at fertilizers sa mga magsasaka.

Upang higit pang maging inspirado ang mga magsasaka, tiniyak ni PBBM na mas marami pang proyektong ibibigay ang gobyerno para mas mapataas pa ang produksyon ng bigas ngayong 2024.

Kabilang sa mga programa ang paglalaan ng mas maraming solar-powered irrigation projects upang magkaroon ng mas sapat na supply ng tubig sa may 180,000 ektaryang agrikultura sa buong bansa.

Dahil sa magagandang programang pang-agrikultura, kabilang ang mga makabagong teknolohiya, ay nakikita natin na mas magsusumikap pa ang ating mga magsasaka.

Upang mapanatili na maganda ang produksyon ng bigas, sana lamang ay limitahan na, kung hindi man maiwasan, ang pag-convert sa mga lupang sakahan dahil habang nababawasan ang mga sakahan, ay bumababa din ang produksyon ng bigas.

Kapag nangyari na kumonti pa ang mga sakahan, hindi lamang ito magiging sanhi ng pagbaba ng produksyon ng bigas na ang resulta ay sa pagtaas ng presyo nito, ngunit higit sa lahat ay maraming magsasaka ang mawawalan ng hanapbuhay at pantustos sa pamilya at pag-aaral ng mga anak nila.

AUTHOR PROFILE