Mabili na pamamahagi ng pabahay siniguro ng NHA
ININSPEKSYON ni National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben Tai ang dalawang proyektong pabahay sa Zamboanga City upang masiguro ang mabilis na pamamahagi ng mga housing units ng ahensya noong Pebrero 16, 2024.
Pinuntahan ni NHA GM Tai ang Talisayan Greenfield Resettlement Project Phase 3 at Labuan Sea Breeze Subdivision Phase I & II upang masigurong ang lahat ng tinatayong pabahay ay matibay at ayon sa mga panuntunan ng ahensya.
Ang Phase 3 ng Talisayan Greenfield Resettlement Project ay pabahay ng NHA sa ilalim ng Government Employees Housing Program (GEHP) na inaasahang magkaloob ng 55 duplex unit-loft na bahay at 118 na alokasyong lote na may parehong sukat na 44 sq.m. Ito ay upang mabigyan ng oportunidad ang mga kawani ng gobyerno at mga overseas Filipino workers (OFWs) na magkaroon ng sariling tahanan.
Ininspeksyon din ni GM Tai ang Labuan Sea Breeze Subdivision, na nasa ilalim ng Calamity Housing Program ng ahensya. Ang bawat yunit ay laan para sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog sa Brgy. Labuan. Ang Phase I nito ay binubuo ng 138 na pabahay, habang sa Phase II naman ay nasa 273.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 126 na pamilyang benepisyaryo ang naninirahan sa Labuan Sea Breeze Subdvision Phase I.
Samantala, namahagi rin ng P3.9 milyong halaga ng tulong pinansyal ang NHA sa mga nasalanta ng Bagyong Egay sa Negros Occidental noong Pebrero 13-16, 2024 sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP).
Sa pangunguna ng NHA Region VI, 390 pamilya mula sa anim na munisipalidad sa lalawigan ang nakatanggap ng P10,000 ayuda para makatulong sa pagpapaayos ng kanilang mga nasirang tahanan.
Kabilang sa mga benepisyaryo ay mula sa Hinoba-an, kung saan 6 na pamilya ang nakatanggap ng tulong pinansyal; Ilog na may 11 pamilyang benepisyaryo; Candoni na may 11 pamilyang benepisyaryo; Pontevedra, 38 pamilya; Don Salvador Benedicto, 294 pamilya; at Cadiz na may 30 na pamilya.
Ang pinabilis na pamamahagi ng EHAP sa ilalim ni NHA GM Tai ay ginagawa alinsunod sa direktiba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na paigtingin ang kalidad na serbisyo sa mamamayang Pilipino para sa isang Bagong Pilipinas. Kabilang din dito ang pagpapalakas sa mga programang pabahay ng ahensya sa buong bansa.