Allan

Mababaw lang ang kaligayahan ng mga matatanda

December 2, 2024 Allan L. Encarnacion 191 views

SABI nga, pasasaan ba’t tatanda rin tayong lahat.

Sa Amerika at sa mga bansa Europa, ang pagtanda ay isang industriya. Isa siyang kabuhayan o livelihood din sa maraming negosyante.

Kaya nga naging palasak ang salitang caregiver. Sila iyong nag-aalaga sa mga matatandang ayaw nang alagaan ng mga anak. Maraming Pinoy ang dalubhasa sa pag-aalaga kaya mas marami sa abroad ay gustong mag-recruit ng mga kababayan natin.

Dito sa atin, may mga home care or home for the aged pero hindi ganoon kalaki ang industriyang ito. Una, nasa kultura rin kasi natin na kapag tumatanda ang mga magulang, tayong mga anak ang nag-aalaga. Wala itong batas pero mayroon tayong mga human instinct na kalingain ang mga magulang sa kanilang pagtanda.

Nasa naturelesa nating mga Pinoy ang mapagkalinga sa magulang. Pero hindi rin ganito sa lahat ng pamilya. Kung mayroon mang mga anak na nagbabaya sa kanilang mga tumanda nang magulang, maliit na porsiyento lang ito.

Hindi naman talaga sana ito ang topic ko ngayong araw kaya lang bigla kasing nagbaha ng luha sa upuan ko nang makita ko ang video mula sa hidden camera na inilagay sa home care institution sa America.

May hinala kasi ang pamilya na hindi tama ang pag-aalaga sa kanilang ina kaya naisipan nilang maglagay ng camera. Tama nga pala, doon sa video na lumabas, sinasabunutan ang nanay at iniuuntog pa sa pader ng caregiver na black attendant habang naka-wheelchair pa man din.

May binabanggit pa na sinisipa rin ng caregiver ang matanda kaya nang mabuking nila ang ginagawa ay kailangan pang isugod sa ospital ang magulang dahil sa mga pasa sa ulo at leeg.

Ang tanong ko, paano ba matitiis ng mga anak na ipaalaga sa iba ang kanilang mga magulang? Ang mga magulang na itatapon mo sa home care ay ang mismong magulang na umaruga sa iyo, nag-alaga sa iyong lalo na kapag mayroon kang karamdaman, ang naghahatid sa iyo mula kinder hanggang sa early age mo sa elementarya.

Ang mismong magulang mo na nakamasid sa iyo magdamag habang ikaw ay natutulog para matiyak lang na maayos kang nahihimbing at walang anumang nangyayari sa iyong masama sa pagtulog.

Obligasyon nga iyon ng mga magulang subalit puwede ring hindi na obligasyon ng mga anak na ibalik ang anumang nagawa sa kanila. Mahirap naman talagang maging pabigat na magulang sa mga anak na may kanya-kanya nang buhay.

Pero kung kaya rin lang ng mga magulang na mamuhay nang solo at hindi nauubos ang lakas, sino ba naman ang gustong magpaalaga sa anak na naubusan na ng pagmamahal sa magulang?

Kung ako nga ang masusunod, gusto ko ay bigla na lang akong mawawala kapag hindi ko na kayang alagaan ang aking sarili. Iyong unti-unti kang maglalaho na parang bula kapag wala ka nang silbi para hindi na makaabala kahit kanino.

Mas maganda pa iyon kaysa narito ka pero walang nakakaramdam sa iyo, wala nang gustong kumausap sa iyo, wala nang gustong maglingkod at magbigay ng mga pangangailangan mo.

Mababaw lang naman ang kaligayahan ng mga matatanda. Wala na silang luho, wala na siyang bisyo. Happy na sila sa konting atensiyon kapag dumatig ang panahong wala na silang kayang ibigay sa pamilya.

Simpleng lang, iyon bang habang nakaupo ka sa iyong rocking chair ay may lumalapit sa iyo tuwing umaga at sasabihin sa iyo: “Lolo, ito na po ang kape nyo.”

[email protected]