Default Thumbnail

Mababang kuryente balak ni Isko

October 26, 2021 People's Tonight 618 views

Itchie CabayanKUNG mabibigyan ng pagkakataon si Aksyon Demokratiko standard bearer at Manila Mayor Isko Moreno na maging Pangulo sa 2022, balak daw niyang pagaanin ang buhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mababang singil sa kuryente at ligtas na pagbubukas ng ekonomiya kung saan lahat ay nabigyan na ng booster shots at protektado na laban sa COVID-19 kung sakaling ito ay hindi pa mawawala.

Normal na Paskong 2022 ang binabalak ni Moreno para sa mga Pilipino at normal na pasukan sa mga paaralan para sa mga kabataan. Gagawin din niyang 30 araw lamang ang pagpapasa ng mga batas, laluna kung ang isyung sangkot ay may kinalaman sa ekonomiya.

Balak din ni Moreno na magpatupad ng 50 porsyento na excise tax cut sa mga produktong petrolyo at kuryente. Kung mababa ang kuryente, makaaakit ng mga banyagang negosyante at ito ay lilikha ng mga trabaho para sa Pilipino. Kapag may trabaho ang mga tao, sila ay gagastos at ibig sabihin, babalik ang pera sa gobyerno.

Ang maganda kay Mayor Moreno, may pruweba. Lahat ng ipinangako niya sa kampanya, natupad na. Ganyan din tiyak ang mangyayari kapag siya ay nahalal na Pangulo ng bansa.

***

Maraming usap-usapan at katanungan ukol sa pagpapatupad ng ‘No Contact Apprehension Program’ o NCAP. Ano nga ba talaga ang benepisyo nito sa taumbayan?

Sa data mismo ng NCAP, bumaba ang kaso ng paglabag sa batas-trapiko sa Parañaque mula 111 kada CCTV camera kada araw noong 2018 hanggang sa 11 na violations na lamang kada CCTV camera ngayong 2021. Ito ay kumakatawan sa 82 percent na pagbaba ng mga violations sa naturang lungsod. Halos 100 violations bawat camera, yan ang nabago matapos ang isang taon.

Mayroong higit-kumulang na 30 CCTV cameras na nakakalat sa siyudad kaya’t isipin nyo kung gaano kadaming paglabag sa batas trapiko ang nabawas dito.

Ganito din ang naranasan ng Valenzuela nang simulan ang NCAP noong 2019. Mula 45, bumaba sa 16 violations na lang kada camera bawat araw ngayong 2021 noong 2019.

May nakikita na din na pagbabago sa mga traffic violations sa Maynila. Hindi maikakaila na malaki ang epekto ng NCAP sa takbo ng trapiko dahil madami ang natutong sumunod sa batas-trapiko.

Kelan lang ay inilunsad ang NCAP sa Quezon City. Ang makabagong sistemang ito ay importanteng maipatupad sa nasabing lungsod dahil ito ang may pinakamaraming residente sa buong bansa.

Ayon sa MMDA, noong 2020 ay nanguna ang Quezon City sa pagkakaroon ng mahigit sa 50,000 na pinsala dulot ng mga aksidenteng pantrapiko at karamihan ng aksidente na nagaganap ng ala-1 hanggang alas-2 ng madaling-araw ay nagreresulta sa kamatayan. Sa laki nga din nito ay kailangan ng napakaraming traffic enforcer para mabantayan kada intersection.

Malaking tulong na mai-digitize ang traffic management. Kailangan ding mabigyan ng karampatang proteksyon laban sa mga aksidente na dulot ng mga pasaway na drayber ang publikong dumadaan o nagmamaneho dito.

Nakakadismayang isipin na ang iba sa ating mga kababayan na imbes suportahan ang pagbabagong mag-aayos sa sistemang pantrapiko na magliligtas hindi lang sa mga sasakyan kundi higit pa ay magliligtas din sa buhay ng tao, ay pilit na pinipigilan at kinokontra.

Mayroong palugit na isang buwan ang pamahalaang-lungsod ng Quezon sa mga driver upang makita ang magandang dulot ng makabagong sistema na NCAP bago nila ito husgahan.

Sabi nga ni Mayor Joy Belmonte, bawal ang pasaway na drayber sa Quezon City at ang matatakot lang sa sistemang ito ay ang mga lumalabag sa batas trapiko.

Ang NCAP ay hindi daw balak pagkakitaan ng Quezon City. Bagkus ay mas matutuwa pa nga ang pamahalaang-lungsod pag walang natitikitan sa paglabag ng batas-trapiko dahil ito mangangahulugan na lahat ng drayber sa siyudad ay may disiplina na.

***

Jokjok (from Danilo Guillermo of Pampanga)– NANAY: Anak hugasan mo yung isda … bilis/ ANAK: anu ba ‘yan, utos na naman?!?WTF!!!/
NANAY: Ano kamo? What The f***k??? Lamukusin ko kaya ‘yang bibig mo!/
ANAK: Hindi ah!! Ibig ko sabihin, Where’s The Fish??

***

Direct Hit entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to [email protected] or text 0919-0608558.

AUTHOR PROFILE