Bong Go

‘Lupigin natin ang COVID-19’ –Bong Go

October 26, 2021 People's Journal 367 views

Sa tulong ng Malasakit at Bayanihan

NANAWAGAN si Senator Christopher “Bong” Go sa mga Filipino na patuloy na makiisa sa pagpapakita ng Malasakit at Bayanihan upang malupig na ang COVID-19 sa bansa.

Hiniling din ni Senator Go sa bawat isa na lumahok sa national immunization campaign ng pamahalaan para makamit ng bansa ang population protection at herd immunity.

Sa kanyang video message sa magkahiwalay na distribution activities sa Barangays Baguio Proper at Malagos, Davao City, sinabi ni Go na hindi tumitigil ang gobyerno sa pagbili ng bakuna para sa lahat ng eligible Filipinos, kaya iginiit niyang dapat nang magpabakuna ang mga eligible para na rin sa kanilang proteksyon laban sa coronavirus.

“Mayroon lang ho kaming pakiusap ni Pangulong Duterte sa inyo, magtiwala ho kayo sa bakuna. Huwag ho kayong matakot sa bakuna, matakot ho kayo sa COVID-19. Ang bakuna po ang susi o solusyon para unti-unti na tayong makabalik sa ating normal na pamumuhay katulad po noon,” apela ni Go.

“Kailangan pong magtiwala kayo sa gobyerno dahil ginagawa po ng gobyerno ang lahat sa abot ng makakaya para po malampasan natin itong krisis na ito,” idinagdag niya.

Aniya, kung may malasakit sa kapwa at nagbabayanihan ang bawat ay walang imposible na makabangon sa krisis ang bansa.

Hinikayat din ni Go ang mga benepiyaryo at kanilang mga mahal sa buhay na samantalahin ang medical assistance programs sa Malasakit Center sa Southern Philippines Medical Center.

“Mga kababayan ko, kung kailangan niyo po ng tulong sa pagpapa-opera sa Maynila, sa (Philippine) Heart Center, sa NKTI, bukas po ang aming tanggapan na tumulong po sa inyo sa abot ng aming makakaya,” anang senador.

Sa kasalukuyan ay umaabot na sa mahigit 3 milyong indibidwal ang natutulungan ng Malasakit Centers na matatagpuan sa iba’t ibang lupalop ng bansa.

“Mga kababayan ko, mag-ingat po tayo. Magdasal po tayo, magtulungan po tayo, magbayanihan po tayo, magmalasakit po tayo sa ating kapwa Pilipino. Nandidito lang po kami ni Pangulong Duterte na handang magserbisyo po sa inyong lahat sa abot ng aming makakaya,” ayon kay Go.

AUTHOR PROFILE