Manila Isang kasunduan sa pagitan ng Lungsod ng Maynila, Public Employment Service Office (Manila) at kaakibat ang JoyRide PH, na isang oportunidad na trabaho para sa Manilenyo. Pinamunuan ito nina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan, Vice Mayor Yul Servo Nieto, JoyRide PH VP for Special Projects Rico Meneses, Senior VP for Corporate Affairs Noli Eala, at VP for JoyRide Car Menard Umali.

Lungsod ng Maynila, JoyRide PH lumagda sa kasunduan

August 10, 2022 Edd Reyes 475 views

Trabaho para sa Manilenyo layunin ng MOA

PINANGUNAHAN nina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto ang paglagda sa isang kasunduan sa pagitan ng Lungsod ng Maynila at Joyride PH na magbibigay ng oportunidad sa mga Manilenyo na magkaroon ng trabaho sa pamamagitan ng Public Employment Service Office (PESO).

Kasama nina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo sina JoyRide PH Vice President for Special Projects Rico Meneses, Senior Vice President for Corporate Affairs Noli Eala at Vice President for JoyRide Car Menard Umali sa paglagda ng kasunduan o memorandum of agreement (MOA) na ginanap sa Bulwagang Antonio Villegas Miyerkules ng hapon.

Nagpasalamat ang alkalde sa trabahong maibabahagi sa mga Manilenyos ng JoyRide na sa kasalukuyan ay nangunguna sa mga nagkakaloob ng serbisyo sa mga nagnanais sumakay ng motorsiklo para sa mabilis na pagtungo sa paroroonan.

“Malaking oportunity po talaga ito sa amin. Huwag po kayong magsasawang tulungan kami,” pahayag ng alkalde matapos ang paglalagda sa kasunduan.

“Alam n’yo naman na ngayon palang tayo umaahon-ahon. Pero marami pa ring mga taga-Maynila na medyo hirap pa rin ngayon,” dagdag pa niya.

Nangako naman si Rico Meneses, VP for Special Projects ng JoyRide PH na magiging madali ang aplikasyong ibibigay nila sa mga kuwalipikadong residente ng Maynila na naghahanap ng trabaho.

Sa mga interesadong mag-apply ng trabaho sa JoyRide PH, maaaring mag-apply sa Facebook page ng PESO o magtungo sa kanilang punong tanggapan sa Park N Ride Building sa Ermita, Manila.

AUTHOR PROFILE