Default Thumbnail

Lumulubha ang problema sa iligal na droga

January 5, 2023 Paul M. Gutierrez 381 views

PaulDAPAT suportahan ang “pakiusap” ni DILG Secretary Benhur Abalos sa lahat ng mga ‘full colonel’ at heneral ng Philippine National Police (PNP) na magsumite ng kanilang ‘courtesy resignation’ sa lalong madaling panahon.

Ito ay dahil sa hindi na maitagong kahihiyan na “gumon” na rin sa negosyo ng iligal na droga ang matataas na opisyal ng PNP na kung hindi man protektor ay mismong mga drug dealer na ngayon.

Bagaman nga totoo rin at naniniwala tayo na “kaunti” lang sa mahigit na 200,000 na kasapi ng PNP ang “pasok” sa illegal drug syndicates, totoo rin ang sinabi ni Sec. Benhur na ang kaunting bilang na ito ay humahawak ng mga sensitbong posisyon sa ating pambansang pulisya.

At tama rin siya sa kanyang obserbasyon na “paano” nga naman lalababan ng mga ordinaryong pulis-patola ang mga kampon ng iligal na droga kung ang mismong “jefe” naman pala nila ang kasangkot dito?

Sa kasaysayan ng iligal na droga saan mang panig ng mundo, ang korapsyon sa hanay ng mga pulis at sa mga korte, kasama na ang korapsyon sa hanay ng mga mambabatas at pulitiko ay mga “koneksyon” na nagpatatag sa kalakal ng iligal na droga.

At “salamat” sa matagumpay na propaganda ng mga pekeng human rights group sa loob at labas ng ‘Pinas, kasama na ang mga baluktot na kasapi ng mainstream media at mga grupong komunista, “nabahura” at tuluyan nang nawalan ng “pangil” ang ‘war on drugs’ kahit sa termino ni PDU30.

Balikan na sa huling tatlong taon ni PDU30, muling nagsulputan ang mga adik at mga pusher sa mga komunidad dahil naging “tigreng papel” na lang ang war on drugs na hindi na nila kailangan pang katakutan.

Nagkaganito man, nakabuti pa rin ang naging kampanya ni PDU30 dahil kahit paano ay napigilan ang mabilis na pagbulusok ng bansa bilang isang ‘narco state’ katulad ng Mexico, Colombia at ilang mga estado at lugar sa ‘Tadong Unidos katulad ng Miami at California.

Bago si PDU30, nakita na natin mayroon ng ilang mga lugar sa Cavite, Laguna at Ozamis na kontrolado na ang mga komunidad ng mga drug lords at kanilang mga private armies— “partida” pa na ang kanilang mga supplier ay ang higit na malalaking drug lords na nakakulong sa Muntinlupa!

At uulitin natin. Ang pagbulusok ng ano mang bansa sa ranggo ng ‘narco state’ kung saan mas may kapangyarihan pa at impluwensiya ang mga drug lords ay nagsisimula sa hanay ng isang korap na criminal justice system at korap na pulitika.

Bagaman nga hindi naman talaga solusyon, ang panawagan ni Sec. Benhur ay maganda na ulit panimula upang muling mapasigla ang kampanya laban sa iligal na droga.

Magbibigay din kasi ito ng inspirasyon sa lahat sa paniwalang may “pag-asa” pa sa laban sa salot na ito sa ating lipunan.

At siyempre, kung sama-sama tayo eh, kayang-kaya!

At isang paalala: Ugaliin na tumutok at manood sa ‘Meet the Press/Report to the Nation Media Forum ng National Press Club tuwing Biyernes, simula 10 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali.

Abangan!

AUTHOR PROFILE