Yul Servo

Lubos na pagkilala kay Bonifacio, isinusulong ni Cong. Yul Servo-Nieto

December 1, 2021 Eugene E. Asis 210 views

NOONG Nobyembre 30, 2021 ang ika-isandaan limampu’t walong taon ng pagsilang ni Gat Andres Bonifacio, ang tunay na Ama ng Demokrasya ng Pilipinas at Ama ng Rebolusyon ng ating bansa.

Dahil dito, nais isulong ng aktor at ngayo’y kinatawan ng ikatlong distrito ng Lungsod ng Maynila na si Yul Servo Nieto ang lubos na pagkilala sa bayani. Si Cong. Nieto ang nanguna sa pagpasa ng House Resolution no. 01416 o “A resolution directing the goivernment of the Republic of the Philippines, through the diplomatic efforts of the Department of Foreign Affairs, to take further steps to recover and preserve the Katipunan Documents from the Archivo Militar General de Madrid, under the Government of Spain.”

Ang layunin ng House Resolution na ito ay makuha ang Katipunan Documents mula sa Madrid, Spain, dahil nilalaman nito ang daan-daang mahahalagang papeles, ulat at sulat-kamay na mga liham nina Gat Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Pio Valenzuela at iba pang opisyales ng Katipunan. At kahit nakuha natin noong 2012 ang digitalized na kopya ng mga dokumentong ito na nasa pangangalaga ng National Historical Commission of the Philippines, mahalaga pa rin na makuha ang orihinal na dokumento. Dito nakatala ang mga unang dokumento ng pagpapahayag ng ating kalayaan o “Declaration of Independence” makalipas ang tatlong daan at tatlumpong taon ng pananakop ng Espanya.

Ikalawa na isnulong ni Cong. Nieto ang House Resolution no. 2835 o “Resolution expressing the recognition of Andres Bonifacio as the first President of the Philippines and propagate such facts in history books, elementary, high school and tertiary education, and other related medium of information.”

Ayon pa kay Cong. Nieto, kahit sandali lamang ang pamumuno ng gobyerno ni Gat Andres, hindi dapat ito maging batayan upang siya’y hindi mabigyan ng pagkilala bilang isang Pangulo.

Ikatlo ang House Bill no. 10542 o “An act mandating all colleges and universities in the City of Manila whether public or private, to include in their collegiate curricula courses devoted to the life, works and heroism of Gat Andres Bonifacio.”

At ang huli ay ang House Bill no. 10557 o “An act establishing the Andres Bonifacio Museum in his hometown of the City of Manila.”

Ayon kay Cong. Nieto, “Oras na para malaman ang lahat ng katotohanan tungkol kay Gat Andres Bonifacio, na siya’y higit pa sa isang matapang na mandirigmang nagsimula ng pag-alsa laban sa mga dayuhang nanakop sa kanyang inang bayan. Siya ang tunay na Ama ng Demokrasya ng Filipinas at siya ang totoong unang Pangulo ng ating bansa. Ang mga panukalang batas na ito ay walang anumang layunin na guluhin ang naunang kaalaman natin tungkol sa ating kasaysayan, bagkus nais ng mga ito na itama ang matagal nang mali, at ipagmalaki at kilalanin natin ang Pambansang Bayani sa paraan na makakatulong sa mga susunod na henerasyon.”

AUTHOR PROFILE