Guadiz

LTO todo alerto ngayong Undas 2022

October 24, 2022 Jun I. Legaspi 335 views

NAKATAKDANG itaas ng Land Transportation Office (LTO) ang alerto nito bilang bahagi ng “Oplan Biyaheng Ayos Undas 2022” na layong tutukan ang kaligtasan ng mga pasahero at motorista sa panahon ng paggunita ng Undas ngayong taon.

Simula sa Oktubre 27 hanggang Nobyembre 4, ipatutupad ng LTO ang “heightened alert” sa lahat ng mga tanggapan nito sa bansa. Nangangahulagan ito na hindi muna maaaring makapagday-off o bakasyon ang mga LTO enforcer na pakikilusin sa panahon na ito.

Para sa taong ito, ipinahayag ng LTO na ang kaligtasan sa daan at defensive driving ang isa sa mga aktibidad na itatampok sa “Oplan Biyaheng Ayos Undas 2022” ng ahensiya.

Inaasahan na ng LTO na kasunod ng pagluwag sa pagbiyahe sa gitna ng COVID-19 pandemic ay mas marami ang daragsa sa mga sementeryo upang bisitahin ang mga puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Kaugnay nito ay ikinasa na ng LTO ang mga aktibidad upang magabayan ang mga drayber at operator ng public utility vehicles (PUVs), pribadong sasakyan, at ng pangkalahatang publiko hinggil sa kahalagahan ng pagsunod sa mga batas-trapiko, pagpapairal ng gawang pangkaligtasan sa daan at depensibong pagmamaneho.

Idinaos nitong Lunes ng LTO ang multi-sectoral coordination meeting kasama ang law enforcement groups at road management units ng iba pang ahensiya ng gobyerno upang ilahad ang mga paghahanda para sa Undas 2022.

Sinundan ito ng Road Safety and Defensive Driving seminar kasama ang mga drayber at kunduktor ng mga Public Utility Bus (PUB). Bahagi ang seminar na ito sa patuloy na pagsisikap ng LTO na mas palakasin ang kampanya laban sa pagmamaneho ng lasing o nasa impluwensya ng ilegal na droga.

Sinimulan na rin ngayong araw ang pagdeploy o pagpapakilos ng mobile teams ng LTO Central Office sa mga transport terminal sa National Capital Region (NCR). Hiwalay din ito sa inspeksyong isinasagawa ng mga tauhan ng LTO sa iba’t-ibang rehiyon sa bansa.

“We are already anticipating our cemeteries to be teeming with more people during the week prior to All Saints’ Day compared to the previous two years since lockdowns and community quarantines have already been lifted. The public can rest assured, however, that the LTO will monitor the situation on our roads in close coordination with various transport groups and other concerned government agencies in the areas of law enforcement and medical emergency response to ensure that road safety will always be observed and maintained,” payahag ni LTO Chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz III.

AUTHOR PROFILE