Maderia Si OFW Angelito Maderia habang masayang ipinakita ang kanyang Driver’s License na nakuha n’ya via OnLine.

LTO matagumpay na inilunsad pilot ng pag-renew ng license sa Taiwan

September 21, 2024 Jun I. Legaspi 189 views

Taichung, Taiwan — Matagumpay na inilunsad ng Land Transportation Office (LTO) ang pilot implementation ng online platform para sa pag-renew ng driver’s license sa Taiwan, kung saan maraming overseas Filipino workers (OFWs) ang dumalo upang makinabang sa digital na serbisyong ito.

Ang pilot implementation ay mula Setyembre 21 hanggang 22, at sa unang araw nitong Sabado, ilan sa mga OFWs ay matagumpay na nakapagproseso ng kanilang driver’s license renewal sa pamamagitan ng digital platform ng LTO.

Isa na rito si Angelito Maderia, isang manggagawang naka-base sa Taiwan, na unang matagumpay na nakatapos ng online OFW driver’s license renewal sa Taichung District, isa sa dalawang pangunahing lokasyon ng pilot implementation sa Taiwan, bukod sa Kaohsiung.

“Ako po ay natutuwa dahil madali at mabilis yung naging proseso. Hindi katulad nung dati na kailangan ko pang umuwi ng Pilipinas para lang makapag-renew,” ani Maderia.

Kwento ni Maderia, na nanggaling pa mula sa kanyang pinagtatrabahuhan, sinimulan niyang kumpletuhin ang mga kinakailangan matapos mabalitaan ang online driver’s license renewal na available na sa Taiwan.

Aniya, unti-unti niyang kinumpleto ang mga kinakailangan sa oras ng kanyang break time gamit lamang ang kanyang cellphone.

Narito ang mga dokumentong kinumpleto niya:

• Driver’s license na mag-e-expire sa loob ng animnapung (60) araw, o nag-expire na sa loob ng dalawang (2) taon, mula sa petsa ng expiration, at walang revision ng records bago mag-renew.
• Aktibong LTMS (tinatawag bilang “LTO Portal”) account na may na-capture na biometric profile ng OFW.
• Online CDE certification na kinuha mula sa LTO Portal.
• Medical certificate mula sa isang LTO-accredited telemedical facility.

At nang dumating siya sa online LTO driver’s renewal site, sinabi ni Maderia na napakaayos ng buong transaksiyon.

“Naging madali lang ang proseso basta kumpleto ang mga requirements. At yung mga babayaran ay kung ano lang talaga yung nasa online, yun lang talaga ang babayaran mo at online din ang pagbabayad. Sa akin nga, ang ginamit ko ay yung GCash ko,” ani Maderia.

Nagpahayag din si Maderia ng pasasalamat sa pambansang pamahalaan sa pagpapabilis at pagpapadali ng proseso ng driver’s license renewal.

“Nagpapasalamat tayo kay LTO Chief, Assistant Secretary Vigor D. Mendoza, II kay DOTr Secretary Jaime J. Bautista at of course sa ating Pangulong PBBM dahil sa ganitong klaseng serbisyo na malaking tulong sa aming mga OFWs,” pahayag ni Maderia.

Umabot sa humigit-kumulang 500 OFWs ang dumalo sa unang araw ng implementasyon, kung saan 200 sa kanila ang na-serbisyuhan agad.

Sa panig ni Assec Mendoza, ang mabilis at komportableng serbisyo para sa driver’s license renewal ang pangunahing layunin ng programa, alinsunod sa adbokasiya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na i-digitalize ang lahat ng serbisyo ng gobyerno sa ilalim ng Bagong Pilipinas.

Nagpahayag din siya ng pasasalamat kay Secretary Bautista para sa buong suporta sa programa, pati na rin kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac at Manila Economic and Cultural Office (MECO)-Taichung Extension Office Director Sabrina P. Aaron para sa tulong na ibinigay sa LTO.

Aniya, ang buong proyekto ay dinisenyo upang makumpleto sa loob lamang ng isang oras, kasama na ang 10 minutong pagsusulit.

Kapag nabayaran na ng OFW ang kanyang driver’s license renewal, ang LTO ay magpi-print ng lisensya at ipapaalam sa kanya kapag handa na itong ipadala.

“From the initial application of the OFW until the delivery of his license card to his appointed foreign address in Taiwan for this launch, the total process can take anywhere from 3-5 days,” saad ni Assec Mendoza.

Dagdag pa ni Assec Mendoza, ang pilot implementation ay may kasamang pagsusuri ng sistema at pangangalap ng feedback mula sa mga OFW upang matukoy ang mga posibleng aberya bago ito palawakin sa Estados Unidos, Europa, at Gitnang Silangan.

AUTHOR PROFILE