Default Thumbnail

LTO IT provider dinepensahan

August 9, 2022 People's Tonight 273 views

PINUNA ni Bagong Henerasyon party-list Rep. Bernadette Herrera ang plano umano ng Land Transportation Office (LTO) na muling kunin ang dati nitong IT provider.

Herrera
Bagong Henerasyon party-list Rep. Bernadette Herrera

Ayon kay Herrera, bagaman may ibinigay na paliwanag ang LTO kaugnay sa usapin, sinabi niyang kailangan pa ring busisisiin ang nasabing issue.

Aniya, kuntento ngayon ang marami sa automated processing ng ahensya, kaya’t hindi umano niya naiintindihan kung saan nagmumula ang pakiusap na ibalik ang dating IT provider nito dahil sa nararanasan nilang “glitches” sa kasalukuyang systems provider.

Mababatid na mula 2018, ang Dermalog Identification Systems na isang German company ang nagsisilbing IT systems provider ng LTO na pumalit sa dating systems provider nito na Stradcom Corporation na may P7.53- billion worth contract sa LTO mula 1998 hanggang 2016.

Ayon kay Herrera, hindi nila isasantabi ang hinaing sa nagsisilbing provider, kaya’t hiniling niya ang pagkakaroon ng pagdinig ukol sa usapin.

Nang matapos ang kontrata ng Stradcom sa LTO noong 2016, sinabi ni Herrera na inatasan ito ng ahensya na i-turn over ang kumpletong database ng mga motorista dahil ito ay legal na pagmamay-ari naman ng LTO.

“Bakit kailangang bumalik sa lumang service provider kung maganda naman ang serbisyo ng kasalukuyan? Isa pa, may pondo naman ang LTO para sa upgrading ng kanilang sistema kung kinakailangan? Kailangan ang pagbusisi ng Kongreso sa usapin,” ani Herrera.

“Sa mga naging konsultasyon ko sa ilang key stakeholders, kuntento naman sila sa serbisyo ng Dermalog sa LTO. Unang-una, hindi na kinakailangan ang pagpapataw ng interconnectivity fees para sa rehistrasyon ng mga motor vehicles, driver’s license transactions at sa law enforcement and traffic adjudication service transactions. Dati, umiiral ang mga bayaring ito, pero ngayon, wala na,” dagdag pa ni Herrera.

Sinabi pa ng mambababatas na marami ang nagpapahayag na ang glitches sa Dermalog ay dahil umano sa human interventions o manual overrides.

Sa puntong ito, sinabi ni Herrera na kinakailangan ang imbestigasyon ng Kongreso upang maresolba ang suliranin ng LTO sa kanilang IT situation at mabatid kung ano ang tunay na problema ng ahensya sa kasalukuyang service provider.

AUTHOR PROFILE